Hindi man kaaya-aya sa unang tingin dahil tila garapata ng aso, malinamnam at paboritong lantakan naman ng mga residente sa tabing-dagat ang “crustacean” na kung tawagin ay Tipas. Nakikita ang mga ito sa mga dalampasigan gaya sa Oriental Mindoro.
Sa programang “Dami Mong Alam, Kuya Kim!” ipinaliwanag ni Kuya Kim Atienza na kilala rin bilang sand fleas, mole crabs o sea fleas ang Tipas.
Sa kabila ng pangalan nito, hindi tunay na garapata o pulgas na nangangagat ng hayop o tao ang mga Tipas. Hindi rin sila mga insekto, kundi crustacean at may kaugnayan sa mga alimasag, at ulang o lobsters.
Kaya naman sa ilang lugar sa Pilipinas, hinuhuli ang mga ito at ginagawang ulam o finger foods o pulutan. Kinakain din ang mga Tipas sa Vietnam at ilang coastal areas sa Latin America.
Isa ang content creator na si Brixtan Gusto sa mga nagmumukbang ng Tipas sa kaniyang video.
“Ang hitsura kasi ng Tipas, noong unang kita ko talaga, parang nakakadiri dahil parang hitsurang garapata ng aso. Pero noong naluto na, natikman ko, eh masarap naman pala,” sabi ni Gusto.
Nakatira ang mga Tipas sa mabuhangin na dalampasigan. Madalas silang bumabaon sa buhangin, kaya karaniwang nakikita sa kanila ang maliliit na bakas ng paggalaw kapag umuurong ang tubig sa dagat.
“Kailangan nilang bumaon for safety din nila. Dahil itong mga ganitong klase na mga uri ng mga crustaceans, sila ang nagiging source rin ng pagkain ng ibang lamang dagat,” sabi ng zoo and wildlife veterinarian na si Dr. Romulo Bernardo.
“Itong mga hayop na ito, isa sa mga kino-consider din na bioindicator. Ano 'yung bioindicator? Ito 'yung tinatawag natin na nagme-measure ng rate ng pollution sa isang lugar. So, ‘pag nahuli sila roon, puwedeng examine-in siya ng mga dalubhasa para malamang kung polluted ang lugar o hindi,” dagdag ni Bernardo.
Batay sa isang pag-aaral sa Indonesia tungkol sa nutritional values ng tipas, sinasabing meron itong protina at healthy fats na nakakatulong sa kalusugan ng puso at utak.
Panoorin sa “Dami Mong Alam, Kuya Kim!” ang paraan ni Gusto kung paano manghuli ng Tipas, at kung paano ito lutuin. – FRJ GMA Integrated News
‘Garapata’ sa buhangin na ‘Tipas,’ paboritong lantakan sa Oriental Mindoro
Setyembre 18, 2025 9:23pm GMT+08:00
