Kakaibang traffic ang naranasan kung minsan ng mga motorista sa isang bayan sa Nueva Ecija. Pero sa halip na mainis, mistulang magandang tanawin na pampakalma ang nakikita nilang dahilan ng pagtigil ng usad ng mga sasakyan— ito ay ang daan-daang itik na tumatawid.
Sa isang ulat ni Kuya Kim sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, ipinakita ang video na ini-upload ni Tinkerbelya, habang tumatawid ang napakaraming itik sa Quezon, Nueva Ecija.
Ayon sa uploader ng video, sanay na sila na naantala ang daloy ng mga sasakyan kapag may tumatawid na mga itik. Marami raw talaga kasing nag-aalaga ng itik sa kanilang lugar.
Paliwanag ni Kuya Kim, grupo-grupo talaga kung maglakbay ang mga itik para madali nilang maprotektahan ang isa’t isa laban sa predator.
Mayroon din silang isang lider na kanilang sinusundan kapag sama-samang naglakad.
May iba’t ibang tawag din umano sa Ingles sa grupo ng mga pato ngunit depende kung nasaan sila.
Kung nasa tubig ang tropa ng mga pato, paddling o raft of ducks ang tawag sa kanila. Flock o waddling naman ang tawag sa grupo nila kapag nasa lupa. Habang flock ang tawag sa kanila kung nasa ere o lumilipad.
Pero ano nga ba ang pagkakaiba ng bibe, itik at pato?
Ayon kay Kuya Kim, ang pato ay salitang Espanyol ng duck sa Ingles bilang isang “generic” na salita o tawag sa kanila. Kapag puti ang balahibo ng pato, ang tawag sa kaniya ay bibe.
Ngunit kung itim o brown naman ang kaniyang balahibo, ito ay nagiging itik. – FRJ GMA Integrated News
