Kinagiliwan ang isang ginang sa isang isla sa Binangonan, Rizal dahil “naimbento” niyang masustansiyang hotdog o fishdog na gawa sa karne ng tilapia at nilagyan pa ng malunggay. Paano kaya niya ito ginawa? Alamin.
Sa episode ng Good News, itinampok si Mommy Sam na taga-Talim Island, na ipinakita kung paano niya ginagawa ang hotdog na sa halip na karne ng hayop ay karne ng tilapia ang kaniyang gamit at may malunggay pa.
Tanging laman lang ng tilapia ang gamit ni Mommy Sam at inaalis niya ang balat nito. Lalagyan niya ng asin ang laman ng isda para maalis ang lansa.
Matapos nito, ilalagay na niya ito sa food processor kasama ang mga rekadong pampalasa, kabilang ang malunggay.
Pagkahalo, ilalagay na niya ito sa sausage maker at ililipat sa casing ng hotdog na kulay pula at puti, bago itatali.
Kailangan lang i-steam sa tubig ang fishdog at hindi dapat pakuluin para hindi pumutok ang casing o tila balat na pinaglalagyan nito.
Kapag na-steam na, puwede nang iprito ang masustansiyang hotdog o fishdog na puwedeng-puwede sa mga taong hindi kumakain ng karne ng hayop. Panoorin ang video. –FRJ GMA Integrated News
