Hindi inasahan ng isang mag-asawa na kikilalanin ng prestihiyosong Michelin Guide ang kanilang pansitan sa Marikina City dahil sa masarap nilang mga pansit, lalo na ang Bihon con Lechon.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing nakakuha ng Michelin Selected, na kumikilala ng quality, consistency, at karakter ng restaurant o kainan, ang Lola Helen Panciteria sa Barangay Santo Niño sa Marikina City.
Ayon kay Pacita De Guzman, may-ari ng Lola Helen Panciteria, hindi nila alam na napasali pala sila sa listahan ng Michelin.
“Masaya naman, masaya-masaya kaya lang po, sobrang busy. Sabi nila, masarap daw po ‘yung pansit namin,” sabi ni Pacita matapos kilalanin ng Michelin ang kanilang pansitan.
“Si Lola Helen po kasi is 'yung may-ari ng property na ‘to... Tapos, tinurnover sa amin, sa mister ko, ginawa namin Lola Helen,” ani Pacita.
Gamit na pangluto nina Pacita ng kanilang mga pansit ang mga Chinese wok na nililinis ng walis tingting.
Katuwang ni Pacita ang kanilang mga anak sa pagpapatakbo ng kanilang kainan.
“Sila po, hindi po sila familiar sa Michelin. So, in-explain ko po sa kanila na talagang kilala tayo sa buong Pilipinas, sa buong mundo,” ayon kay Richelle.
Dahil sa kanilang kainan, sinabi nina Pacita na napag-aralan nila ang kanilang mga anak at nakapagpundar ng mga ari-arian.
“Malaki. Siyempre, dito lahat nanggaling. Pina-aral ang mga bata. Nakabili kami ng mga bahay namin, tatlo,” sabi ni Pacita.
Itinatag ang Michelin Guide noong 1900 ng magkapatid na Edouard at André Michelin, mga French na nagmamay-ari ng kumpanyang nagbebenta ng gulong.
Marketing strategy umano ito ng magkapatid noong una para puntahan ang mga kainan.Dahil dito, mapupudpod ang gulong ng mga sasakyan para makabenta sila ng mga gulong.
Kalaunan, ang Michelin na ang nagsilbing standard o gabay ng buong mundo kung saan ang mga kainang masarap kumain.—FRJ GMA Integrated News
