Nag-viral kamakailan sa social media ang larawan ng isang babaeng motorista na nagpakita ng baril habang naiipit sa trapik sa Cagayan de Oro City. Pero ang naturang baril, laruan o replika lang umano para ipanakot sa mga namamalimos. Maaari bang makalusot sa asunto ang isang tao kung laruan lang pala ang dalang baril? Alamin ang paliwanag ni Atty. Gaby Concepcion.
Sa segment na Ask me, ask Atty. Gaby sa GMA show Unang Hirit, sinabing batay sa pahayag ng pulisya, naipit sa trapik ang lady driver na tukoy na nila ang pagkakakilanlan, pero hindi malinaw kung nasangkot siya sa insidente ng road rage.
Madalas daw umanong magdala ng toy gun ang babae para ipanakot sa mga namamalimos dahil nabiktima na raw siya ng mga ito.
Nanawagan ang Land Transportation Office- Region 10 sa posibleng nakaalitan ng driver na makipag-ugnayan sa kanila para sa dagdag na reklamo na puwedeng isampa laban sa driver.
Pero kung toy gun lang ang dala ng babaeng driver bilang panakot, may nalalabag pa ba siyang batas?
Paliwanag ni Atty. Gaby, “Kung may pananakot na nangyari in public – as in nagkaroon ng pangangamba o takot sa mga nakakita nito – ito ay maaaring krimen ng alarm and scandal sa ilalim ng Revised Penal Code.”
"Kung ginamit ang baril sa pananakot – as in may bantang ‘kung hindi ka umalis babarilin kita’ – ito ay magiging krimen ng grave threats sa ilalim ng Revised Penal Code pa rin,” dagdag ng abogada.
Tungkol sa tanong kung magagamit bang depensa na sabihing hindi naman totoo ang baril kaya hindi talaga totoo ang threat o pagbabanta sa pangyayari, paliwanag ni Atty. Gaby, “Hindi pa rin dahil ayon sa Republic Act No. 10591 Section 35, ang paggamit ng replica or imitation firearm sa isang krimen tulad ng alarm at scandal or grave threats ay maituturing na bilang isang totoong firearm. Mapapatawan pa rin ng parusa ang indibidwal na gumamit nito na katulad ng parusa sa paggamit ng totoong firearm sa mga krimen na nabanggit natin.”
Patuloy niya, “Kahit na hindi nakakamatay ang pekeng firearm, kapag ito’y ginamit bilang panakot sa isang sitwasyon, makakasuhan pa rin ang gumamit nito kasi ang pinagbabasehan dito ay 'yung pangamba o takot na nangyari du'n sa biktima, hindi doon sa gumamit ng pekeng baril.”
Dagdag pa niya, “Kung ang paggamit ng pekeng baril ay kasama sa isang insidente involving a driver in public – halimbawa sa isang insidente tulad ng road rage – puwede ring masuspinde o ma-revoke ang lisensiya ng driver na ito. Hindi natin kailangan ang mga driver na tulad na 'yan sa ating mga kalsada.” – FRJ GMA Integrated News
