Isang mag-asawa ang kumikita na ng halos seven digits kada buwan dahil sa negosyong nilang mga hypoallergenic na pabango sa Romblon. Ang kanilang mga reseller, walang inilalabas na puhunan at puwedeng kumuha ng testers nang libre.

Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” ipinakilala ang mag-asawang sina Sandy Borero at Jeriel Baling-Remondovia, mga owner ng Sandre & Jerielle Group of Fragrance Companies.

Pinakamabenta nilang mga pabango ang kanilang mga scent na citrus, sweet at musky.

“Kaya ginawa po namin na hypoallergenic 'yung perfumes po namin. So isa po 'yung sa pinakamalaking advantage since marami po sa mga Pilipino ang may allergy,” sabi ni Sandy.

Nangangahulugan nitong kaunti lang mga sangkap ng kanilang mga pabango na posibleng pagmulan ng allergies.

Maaaring kumita ang reseller ng hanggang P150 kada isang bote nilang maibebenta. Hindi na nila kailangang maglabas ng puhunan at maaaring makakuha ng free tester kit sa pamamagitan ng pagpapadala sa kanila ng mensahe.

Gagamitin ng mga reseller ang mga libreng tester na nakuha nila para makakuha ng advance orders. Kapag may buyers na, saka pa lang sila mag-o-order para siguradong may mapagbebentahan sila ng mga pabango.

Game changer sa negosyo ng mag-asawa ang pagkakaroon ng tester na puwedeng amuyin ng potential customers ng mga reseller nang walang inilalabas na pera.

Para naman hindi malugi, inaral ng mag-asawa ang pagpe-presyo sa kanilang mga produkto para matiyak na mababawi rin nila ang perang ginastos nila sa mga tester.

Puwede ring mag-rebrand ang kanilang mga reseller o palitan ng pangalan ang pabango. Ang mag-asawang Sandy at Jeriel na rin bahala sa packing nito.

Maliban sa pagiging supplier, naisipan nila magkaroon ng sarili nilang brand.

“Dito po sa Romblon kasi wala pa pong halos perfume store. Naghanap kasi kami ng niche community na i-offer 'yung perfume namin. So naisip namin, since 'yung asawa ko po ay, ang hometown niya ay Sibuyan Island, kaya doon po namin naisip na i-put up ang aming unang branch na store,” sabi ni Sandy.

Tatlong taon ang inabot bago sila nakapagpatayo ng sariling tindahan.

Umabot na rin sa iba't ibang bansa ang halimuyak ng pabango nina Sandy at kumikita na ng ng halos 7 digits.

“My motto in life is to win. Kaya gagawin po talaga namin lahat para lang magtagumpay 'yung business,” sabi ni Sandy.

Madalas daw nilang mga reseller ay mga estudyante, young professionals, at mga nanay na katulad ni Annie Joy Robiso, na kumikita ng P30,000 hanggang P50,000 kada buwan.

“Sa pagiging reseller ko po, ako po ay nakapagpatapos ng dalawang anak na nag-aaral po sa private school at sa ngayon po, sila po ay graduate na pareho,” sabi ni Joy.

Tiniyak naman nina kumpleto sila sa mga papeles at permits.

“Dito po sa Pilipinas, medyo mahirap po talaga mag-start ng business dahil sa mga compliances. Ang maibibigay ko lang po na tips sa gustong mag-business ay be consistent, stay adaptable, focus on customer service, at monitor your finances,” sabi ni Sandy. – FRJ GMA Integrated News