Peke ang Taiwanese passport na hawak ng inarestong mastermind umano sa pagpatay sa isang Chinese na natagpuan ang chop-chop na katawan na inilagay sa isang drum sa Binondo, Manila noong Linggo.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing nabisto na peke ang pasaporte ng suspek matapos itong suriin ng kinatawan ng Taipe Economic and Cultural Office (TECO) sa Pilipinas.

Wala rin umanong naipakita ang suspek na Taiwan National Identification Number.

Inamin umano ng suspek na nabili lang niya ang ginagamit niyang passport sa pamamagitan ng isang messaging app.

Sinabi rin umano ng suspek sa mga taga-TECO na isa rin siyang Chinese national.

Ayon sa TECO, iginagalang ng gobyerno ng Taiwan ang judicial process sa Pilipinas at patuloy silang makikipagtulungan sa mga awtoridad kaugnay sa naturang usapin.

Una rito, inaresto ng Pasay police ang unang suspek na kasabwat sa pagtapon sa bangkay ng biktima na siyang umupa ng sasakyan na pinagsakyan sa biktima kaya nadala sa Binondo.

Sunod nito, inaresto naman ang sinabing utak sa krimen na nagpakita ng Taiwanese passport kaya inakala ng mga awtoridad na Taiwanese ang suspek. – FRJ GMA Integrated News