Bukod sa napakagandang Bulkang Taal, kilala rin ang bayan ng Taal sa Batangas dahil paglikha ng mga balisong, na nanganganib na umanong mawala dahil sa hamon ng modernisasyon. Ano nga ba ang kahulugan ng salitang “balisong,” at bakit din ito tinawag na “29”?

Sa nakaraang episode ng I Juander, ipinaliwanag na nanggaling ang balisong sa mga salitang “baling sungay” ng kalabaw o usa. Ang mga sinaunang balisong kasi, gawa sa sungay ng kalabaw ang hawakan.

Tinatawag din itong bente nuebe o “29,” base naman sa kuwentong bayan na mayroon umanong isang mandirigmang Pilipino na nakapatay ng 29 na kalaban gamit ang balisong.

Magmula noon, naging simbolo na nang katapangan at husay sa paggawa ng balisong ang mga panday na Pilipino.

Si Florencio “Puyeng” Bautista, isa sa pinakamatandang gumagawa at nagtitinda ng balisong sa Taal, gumagawa hindi lamang ng pang-Pinoy na balisong kundi pang ibang bansa rin.

Una munang ginagawa ang hawakan o handle, na maaaring mula sa buto ng baka.

Lalagariin ang buto sa habang 29 cm at pupukpukin, saka hahasain ang blade.

Sa kabila nito, sinabi ni Tatay Puyeng na halos wala na sa mga kabataan ngayon ang interesado sa paggawa ng balisong.

“Sa ngayon, wala nang willing na gumawa ng balisong. Especially, mga anak ko, gusto kong maturuan sila pero sa isip ko, mas mabuti sa kanila ang makapagtapos ng pag-aaral. Para maiba naman ang kanilang hanapbuhay, trabaho,” sabi ni Tatay Puyeng.

“‘Yung sinapit ko na paggawa ng balisong, gawa ng hirap, parang ayaw ko na ipadaan sa mga anak ko,” sabi pa niya.

Si Tatay Leo Rivera naman, na isa rin sa mga matagal nang gumagawa ng balisong sa Taal. Pero bukod sa balisong, gumagawa rin siya ng suklay na tila balisong ang hawakan na kung tawagin ay “balicomb.” -- FRJ GMA News