Patay ang isang 59-anyos na tindera ng prutas matapos araruhin ng isang pickup truck ang tindahan na kaniyang binabantayan sa Tupi, South Cotabato. Sugatan din ang isang 11-anyos na na babae.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, makikita na nagkalat sa kalsada ang mga prutas matapos salpukin ng isang puting pickup truck ang dalawang stall ng fruit stand sa kahabaan ng National Highway sa Purok 3, Barangay Crossing Rubber, dakong 1:00 pm nitong Lunes.

Agad rumesponde ang mga residente nang makita ang nakahandusay na biktima na naipit umano ng sasakyan. Isinugod siya sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa matinding pinsalang tinamo sa katawan.

Nasugatan din sa aksidente ang isang 11-anyos na babaw na nasa lugar nang mangyari ang insidente.

Nadamay rin ang isang motorsiklong nakaparada matapos mabangga ng pickup truck.

Ayon sa Tupi Municipal Police Station, bumiyahe ang pickup truck mula General Santos City at patungo sana sa Koronadal City.

Ngunit pagsapit sa lugar ng insidente, nakatulog umano ang 63-anyos na driver na residente ng Cotabato City dahilan upang mawalan siya ng kontrol sa manibela at diretsong bumangga sa fruit stand.

Inihahanda na ng pulisya ang reklamong reckless imprudence resulting in homicide and physical injuries laban sa driver, na kasalukuyan pang kinukuhanan ng pahayag.

Kinukuhanan din ng pahayag ang pamilya ng mga biktima. – FRJ GMA News