Patok ngayon ang skit online ng mga naghihimutok na orange, avocado at langaw, na nais mapalitan ang kanilang mga pangalan bilang “Sharmaine,” “Melanie,” at “Vanessa.” Sa totoong buhay, madali nga ba ang magpapalit ng pangalan? Alamin.
Sa ulat ni Aris Galang ng GMA Public Affairs Digital para sa “For Your Perspective,” sinabing may dalawang paraan sa Pilipinas, kung paano palitan ang pangalan.
Una ang Administrative Correction sa ilalim ng Republic Act 9048 na inamyendahan ng Republic Act 10172.
Sa ilalim ng batas na ito, hindi na kailangan pumunta ng isang tao sa korte, kundi sa Civil Registrar na lamang na nakarehistro ang kaniyang kapanganakan.
Madalas itong para sa clerical o typographical errors, halimbawa na lamang kung mali ang spelling ng pangalan sa birth certificate.
Maaari din itong gawin kung nakakatawa, mahirap bigkasin, o nagdudulot ng matinding kakihihiyan ang first name.
Iba namang usapin kung babaguhin ang apelyido o nakatalang kasarian sa mga dokumento, maliban na lamang kung mapatutunayang may pagkakamali sa pagkaka-encode ng detalye sa kapanganakan.
Para sa mga ganitong kaso, kailangan na itong dumaan sa korte sa pamamagitan ng judicial petition, na mas matagal at mas magastos at madalas nangangailangan ng tulong ng abugado at paglalathala sa mga pahayagan.
Kadalasang dumaraan sa prosesong ito ang mga legal na ampon, mga nagpalit ng civil status, at mga kasong kailangan ng legal na pagtutuwid sa mga records.
Hinggil naman sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community, dahil walang gender recognition law sa bansa, limitado ang magpapalit ng pangalan kaugnay ng gender identity.
Sa ilalim ng mga desisyon ng Korte Suprema, gaya ang kasong “Silverio v. Republic,” hindi pinapayagan ang pagpapalit ng pangalan o kasarian sa virtual certificate base lamang sa gender identity or surgery.
Madalas ding tinatanggihan ang pagpapalit ng first name kung dahil ito sa gender transition.
Kaya naman nagreresulta ito sa tinatawag na “deadnaming,” o ang patuloy na paggamit ng pangalang hindi na tumutugma sa kanilang pagkakakilalan.
Ilan sa mga epekto nito ang harassment, pambabastos, o pagbubunyag ng kanilang sekswalidad, dahil hindi lamang tugma ang nakasulat sa ID sa kung sino sila ngayon. – Jamil Santos/FRJ GMA News
