Nasawi ang isang 67-anyos na babae na tumatawid sa kalsada matapos siyang mabundol ng motorsiklo na mabilis ang takbo sa Mangaldan, Pangasinan. Ang biktima, ilang hakbang na lang sana at makakaalis na sa kalsada.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, makikita sa CCTV camera ang biktima ng tumawid sa kalsada noong Martes ng gabi sa Barangay Bari.
Ilang hakbang na lang sana at makakaalis na sa kalsada ang biktima nang dumating ang motorsiklo na mabilis ang takbo at nabangga ang babae. Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang biktima.
Isinugod siya sa ospital pero binawian din ng buhay sa sumunod na araw.
Ayon sa kaanak ng babae, bumili lang sigarilyo ang biktima at pauwi na nang mangyari ang insidente.
“Sabi ko, Ate lumaban ka, alam ko malakas ka sa Panginoon, lumaban ka kasi marami ka pang misyon sa mundo,” ayon kay Marjorie Biason, kapatid ng biktima.
“Isang step na lang andito na siya pero may humaharurot na motor kaya siya nabangga, tapos nakaladkad pa siya,” hinanakit niya.
Ayon sa pulisya, sumuko ang rider ng motorsiklo noong Miyerkoles.
Hindi raw kaagad nakapag-report sa pulisya ang rider dahil nagtamo rin ito ng sugat sa insidente. Inako naman daw ng rider ang responsibilidad sa nangyari.
“Mabilis daw ‘yung pangyayari, sabi niya (rider) talagang nagulat siya kasi biglang tumawid ang biktima. Although itong biktima ay tumingin pa sa kaliwa’t kanan kaya lang talagang mabilis ang takbo kasi that time maulan siguro iniiwasang mabasa kaya mabilis ang takbo ng nakamotorsiklo,” ayon kay Police Lt. Col. Perlito Tuayon, hepe ng Mangaldan Police Station. – FRJ GMA News
