Nagulat ang isang mahistrado sa Sandiganbayan na humahawak sa kasong plunder and graft ni dating Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan dahil sa dami ng sakit nito na kinabibilangan ng chronic kidney disease (CKD) at prostate cancer.

Nahaharap si Bonoan sa P573-million plunder and graft cases kaugnay sa flood control anomalies. Kasama niya bilang akusado sa naturang kaso si Senador Jinggoy Estrada.

Binasa ni Presiding Justice Geraldine Econg, ng Second Division ng Sandiganbayan, ang listahan ng mga sakit ni Bonoan batay sa impormasyong ibinigay ng pulisya sa hukuman.

Kinabibilangan ito ng diabetes, hypertension, acute coronary syndrome, chronic kidney disease, prostate cancer, at pananakit ng gulugod o spine.

“Bakit ang dami na?,” tanong ni Econg.

Ayon sa mahistrado, hihingi ang hukuman ng medical update mula sa Philippine National Police (PNP) hinggil sa kalagayan ni Bonoan, na kasalukuyang naka-confine sa The Medical City.

Inaakusahan sa naturang kaso si Bonoan na may kinalaman umano sa paghahatid ng mga kickback mula sa mga flood control project para kay Senador Estrada.

Ayon sa mga piskal ng Ombudsman, may papel umano si Bonoan sa mga tinatawag na “commitment fee” na ibinigay kay Estrada, na sinasabing humiling ng kabuuang pondong P855 milyon para sa mga proyekto ng flood control sa Bulacan.

Inakusahan din ng mga piskal si Bonoan na may kinalaman sa pagpili ng mga kontratistang nakakuha ng mga nasabing proyekto

Dahil umabot sa P855 milyon ang kabuuang halaga ng mga proyekto, sinabi ng mga state prosecutor na tumanggap umano si Estrada ng 25 porsiyento nito, o hindi bababa sa P213.7 milyon.

Dati nang itinanggi nina Bonoan at Estrada ang mga alegasyon laban sa kanila.—FRJ GMA News