Dahil pagkain ang isa sa mga dinadayo ng mga turista sa Vietnam, pinayuhan ng Philippine Embassy sa Hanoi ang mga Pilipinong bibisita sa nasabing bansa na kumuha ng travel insurance bilang paniguro sakaling magkaroon ng medical emergencies. Kasunod ito ng mga insidente ng food poisoning doon.
"Travel insurance ensures adequate funding to cover medical and other emergencies," saad sa abiso ng embahada na inilabas nitong September 8.
Hinimok din ng embahada ang mga Pilipino na magsagawa ng kinakailangang pag-iingat pagdating sa kalinisan sa pagkain at tubig.
"While in Viet Nam, Filipino travelers and residents are advised to patronize only hotel and restaurant facilities of good repute and standard. Drinking bottled water is highly recommended," dagdag nito.
Batay sa datos ng Ministry of Health ng Vietnam na binanggit ng embahada, 84 na outbreak ng pagkalason sa pagkain ang naitala noong 2025, na nakaapekto sa 2,301 katao, at 16 ang nasawi.
Sa unang anim na buwan pa lamang ng 2026, nakapagtala na ang Vietnam ng 58 outbreak ng pagkalason sa pagkain, na nakaapekto sa 1,573 katao at 10 ang nasawi.
Sa oras ng medical emergency, hinikayat ng embahada ang mga Pilipino sa Vietnam na makipag-ugnayan sa +84 904 126 164 sa pamamagitan ng SMS/WhatsApp/Viber/Zalo o sa pamamagitan ng hanoipe.atn@dfa.gov.ph. – FRJ GMA News

