Dinakip ng mga awtoridad ang isang lalaki sa Meycauayan, Bulacan na tatlong taon umanong hinalay sa pamangkin ng kaniyang kinakasama. Ang biktima, 11-anyos lang nang simulan daw abusuhin ng suspek.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nagtangka pang tumakas ng suspek na si Elmer Capillo nang arestuhin.

Ayon sa biktima, nagsimula ang pang-aabuso umano sa kaniya ni Capillo noong 11-anyos pa lang siya tuwing wala ang kaniyang tiyahin na kinakasama ng suspek.

"Halos isang linggo, araw-araw siyang ginagalaw ng kinakasama ng tita niya hanggang 14-years-old po siya," sabi ni Police Officer 2 Gladys Nery, ng Women's Desk, Meycauayan Police.

Hindi raw nagawang makapagsumbong ang biktima dahil sa pananakot ng suspek na papatayin siya.

Inamin naman ni Capillo ang nagawang krimen at humihingi ng tawad sa biktima.

"Nadala lang sa tukso sir kaya humihingi pa ako ng tawad sa kaniya," aniya.

Bukod kay Capillo, dalawang lalaki pa ang inaresto sa magkahiwalay pang reklamo ng tangkang pang-aabuso sa Meycauayan.

Kabilang dito ang isang 53-anyos na ama na tinangka raw abusuhin ang kaniyang 31-anyos na anak.

Bugbog naman ang inabot ni Ronnie Gabonado na tinangka umanong pasukin ang kaniyang kapitbahay at pinilit na makipagtalik.

"Dahil sa alak kaya ko nagawa ko, dahil sa sobrang kalasingan," paliwanag ni Gabonado.-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News