Hinahangaan ngayon ng netizens ang isang lalaki sa Cebu dahil sa kabila ng kawalan niya ng background sa midwifery, sumunod siya sa instructions ng kaniyang ina na isang nurse para tulungan ito sa panganganak.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman ng GMA News sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, kinilala ang "kuya-drona" na si Bowen Suico.
"The experience was very nerve racking. I wasn't expecting na I would be the one to deliver my baby brother. Especially I have no background regarding child birth," ani Bowen.
Kaya naman nag-viral sa social media ang ipinakitang gilas ni Bow.
Pero kaniyang giit, team effort pa rin ito dahil hindi niya iyon nagawang mag-isa.
Ang tatay niya aniya ang tumakbo sa health center para tumawag ng midwife samantalang ang nakababatang kapatid niya naman ang taga-abot ng gamit.
Ang nanay niyang nurse ang gumabay sa kaniya kahit nasa kalagitnaan ito ng labor at aktuwal na panganganak.
"I don't know what to do pero at least my mom was there to give me instructions... It's a good thing my mom was very calm lang since she was a nurse," ayon pa kay Bowen.
"At first, medyo, he was apprehensive because, wala, hindi background niya eh... Ano ko na lang kay Bow na 'Bow, just keep calm. Just follow lang my instruction.' I raised my kids naman to be really independent," sabi ni Maria Glenda Suico, ang inang nanganak sa tulong ng kaniyang panganay.
Ayon kay Mommy Glenda, nag-aayos sila ng gamit noon para maglipat-bahay
nang maramdaman niyang pumutok ang kaniyang panubigan.
"It was a little bit early because I was supposed to be due sa February pa... I was supposed to go to the CR para iihi, eh biglang pumutok. Pagputok, dumiretso na kasi, nafi-feel na talaga 'yung ulo... Wala na talaga, lalabas na talaga," sabi ni Glenda.
I.T. student si kuya Bow at suma-sideline bilang DJ. Madalas na siyang tanungin ngayon kung may planong siyang mag-shift sa medicine dahil sa nangyari.
"I'll think about it... I realized na being a med student or assisting, giving birth is not easy. It was a good thing na I don't freeze when I see blood," sabi ni Bow.
Blessed and malaki ang pasasalamat ni Mommy Glenda dahil may natutunan siyang aral sa kaniyang life-changing experience.
"Malalaman mo minsan, you don't have to be a nurse, you don't have to be a doctor or anything, nanay talaga, nanay. Instinct talaga 'yan. If kailangan na ganito, a mother will always talagang do anything for her children," sabi ni Mommy Glenda. — Jamil Santos/MDM, GMA News
