Pumanaw man ang sikat na vlogger na si Lloyd Cadena noong nakaraang taon, inihayag ng kaniyang ina na si Lorita "Mother Kween" Cadena, na ipagpapatuloy niya ang mga sinimulang proyekto ng kaniyang anak, lalo ang pagtulong sa kapwa.

Sa "Mars Pa More," pinasalamatan ni Mother Kween ang fans ni Lloyd na patuloy siyang sinusuportahan kahit wala na si "Kween LC."

"Actually hindi ko inasahan 'yon kasi hindi naman ako talaga 'yung sikat na vlogger, si Lloyd naman. Pero natuwa rin ako sa fans ni Lloyd kasi kahit wala na siya, nandoon pa rin sila," sabi ni Nanay Lorita.

Sa kasalukuyan, merong 1.94 million subscribers si Mother Kween sa YouTube.

Binalikan din ni Mother Kween ang pagiging masayahin at makulit ni Lloyd.

"Natural lang sa kaniya, sarili niya na nagpapatawa siya, ganoon. Sariling comedy niya, hindi naman siguro sa akin siya nagmana, konti lang," biro ni Nanay Lorita.

"Ganiyan naman sila kakukulit 'pag nagsama kami, 'yung mga pabiro. 'Yung biruan namin normal lang sa amin 'yun eh, kahit 'yung parang birong masakit, pero normal lang 'yun kasi ganiyan naman ang pamilya 'di ba?" dagdag ni Nanay Lorita tungkol sa kaniyang pamilya.

Gumawa ng pagtulong ang pamilya nina Mother Kween sa kasagsagan ng mga bagyo noong nakaraang taon.

"Siguro, nagpapasalamat din siya sa akin bilang nanay niya kasi lahat naman ng project niya, napag-usapan naming family na itutuloy namin, 'yung lahat ng naumpisahan niya, 'yung pagtutulong, charity, itutuloy namin lahat 'yun, sa tulong pa rin ng Cadenators. Kasi kung walang Cadenators, wala rin naman," sabi niya.

Pumanaw si Lloyd Cafe Cadena sa edad 26 Setyembre nitong nakaraang taon. Kinumpirma ng kaniyang pamilya na nagpositibo siya sa COVID-19.-- FRJ, GMA News