Ang sore throat o ang pamamaga ng lalamunan na inaakalang simpleng sakit lamang ay maaari palang mauwi sa mas malubha pang karamdaman na Rheumatic Heart Disease (RHD).

Sa programang "Pinoy MD," ipinaliwanag ng pediatric cardiologist na si Dr. Juliet Balderas na RHD ay ang pagkasira ng mga balbula na nagsasara at nagbubukas kapag nagpa-pump ang puso.

ADVERTISEMENT

"Kung itong mga balbula na ito ay masisira, nagkakaroon ng heart failure, lumalaki ang puso. So eventually hindi na masyadong magkaka-pump ang puso kasi nagli-leak dahil hindi na siya sumasara nang mabuti," ayon kay Balderas.

Dagdag ng doktara, maaari itong makuha ng mga batang lima hanggang 18 taong gulang na prone sa streptococal infection.

"Kapag 'yung sore throat na ito ay hindi nagamot... 'yung protein ng bacteria after two to three weeks pumupunta sa balbula, nagli-leak sa protein ng katawan natin tapos nagde-deposit sa valve. 'Yung paulit-ulit na deposit ng reaction na 'yon, 'yun ang nakakasakit sa valve ng puso," paliwanag niya.

Panghabambuhay na sakit na umano ang RHD at mas makabubuti kung ang isang pasyente ay sasailalim sa open heart surgery.

Tunghayan sa video ang kuwento ng dating masigla at masiyahing si Earl Lorenz Boragay mula sa Bicol, na natigil sa paglalaro at pag-aaral dahil sa RHD na nagsimula lamang sa simpleng sore throat.

Alamin din ang tips kung paano maiiwasan ang RHD. Panoorin ang video.--FRJ, GMA News