Dahil may-ari ng dalawang comedy bars na Klownz at Zirkoh si Allan K, marami na siyang nakilala, naging kaibigan at empleyadong stand-up comedians. Sino nga ba para sa kaniya ang mga pinaka-nakatatawa sa kanila?

Sa segment na "May Pa-Presscon" sa "The Boobay and Tekla Show," ikinuwento ni Allan na 1995 nang una siya makapasok sa showbiz sa pamamagitan ng "Eat Bulaga."

Kaya naman ang tagal niya bilang dabarkads ay siya ring tagal niya sa showbiz industry na 26 na taon na ngayon and counting.

Inihayag din ng komedyante na si Ruby Rodriguez ang naging unang close friends niya sa showbiz dahil sa araw-araw silang magkasama sa "Eat Bulaga."

Binanggit din niya si Jaya na nakasama rin niya sa isa pang tv game show.

Kung tutuusin, marami naman daw siyang kaibigan sa showbiz dahil palakaibigan siya at hindi niya pinapansin kung mayroon man hindi natutuwa sa kaniya.

Pagdating sa tatlong pinaka-nakatatawang stand-up comedian,  unang tinukoy ni Allan si Tekla na katabi lang niya.

"Original yung mga jokes mo," sabi ni Allan kay Tekla. "Alam mo ang laking advantage nang hindi tayo maganda eh. Kasi konting bali lang ng face natin, kahit hindi nakakatawa [ang] sinasabi natin, matatawa na sila sa mukha natin."

Sunod na binanggit ni Allan si Boobay na katabi rin niya at inilarawan na "intelligent ang approach sa comedy."

"Noong una ngang dinala sa akin 'to [si Boobay] sa Klownz, inaplay ni Ate Gay, sabi ko graduate ka? 'Opo.' 'Saan? 'St. Louis University [Baguio].' Anong course mo? 'Masscom.' Pasok! Pasok ka na sa Sunday," kuwento ni Allan.

Birong dugtong tuloy ni Boobay, "Kailangan talaga bago ka makapasok sa Klownz, college graduate ka."

"Hindi naman," mabilis na natatawang sagot ni Allan.

Pangatlo sa listahan ni Allan si Ate Gay na kilala sa kaniyang mga mash up song.

Bagaman tatlo lang ang hiningi sa kaniyang pangalan, idinagdag ng ni Allan K ang namayapang si Kim Idol.

"Isa rin 'yon original din [ang mga pagpapatawa]," ani Allan K.

Pumanaw si Kim noong Hulyo 2020 habang naglilingkod bilang frontliner noong kasagsagan ng COVID-19. --FRJ, GMA News