Hindi papapigil sa kaniyang pagkahilig sa Tiktok ang isang limang taong gulang na batang babae sa Malita, Davao Occidental, na umiindak pa rin sa music kahit tulog na.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabi ng ina ng batang si Aviel, na tila awtomatikong humihinto at sumasayaw ang kaniyang anak kapag lumalabas sila at nakakarinig ng Tiktok music.

Kaya naman sinubukan nila kung sasayaw pa rin si Aviel sa Tiktok music sa kaniyang pagtulog.

Makikita na umiindak pa rin ang bata kahit parang nananaginip na.

Ilang beses tiningnang mabuti si Aviel ng kaniyang mga magulang kung tulog ba talaga siya, at totoo namang nahimbing na ang bata habang sumasayaw.

Bukod sa Tiktok, mahilig din mag-vlog si Aviel, pero gising ito kapag nagsasalita sa harap ng camera. – Jamil Santos/RC, GMA News