Namangha ang ilang mangingisda sa Hagonoy, Bulacan nang makakita sila ng "maamong" butanding na lumalangoy malapit sa kanilang bangka.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras Weekend" nitong Linggo, sinabi ng mga mangingisda na hindi naman ito ang unang pagkakataon na may nakitang butanding sa Manila Bay sa parte ng Bulacan.

Ayon kay Jhasper Sacro, "maamo" ang butanding na lumalapit sa kanilang bangka.

"Maamo po siya. Para po siyang sumusunod sa may bangka po namin habang nakahinto po kami," ani Sacro.

Tinatayang nasa siyam na talampakan ang haba ng dambuhalang isda.

Sinabi ng isang marine biologist na ang pagkakaroon ng butanding sa lugar ay indikasyon na "buhay" ang Manila Bay.

"Buhay ang Manila Bay so ito ay nakakasuporta ng iba't ibang biodiversity tulad ng butanding. Isa nga sa pag-aaral ay ito ang spawning areas ng mga importanteng isda tulad ng sardinas," ani Diovanie de Jesus.

Idinagdag ni De Jesus na mahalaga ang ecosystem ng Manila Bay, lalo na sa lalawigan ng Bulacan, Pampanga, at Bataan.

Para mapanatili ang ecosystem sa Manila Bay, sinabi ni de Jesus na dapat matigil ang polusyon sa tubig at mga reklamasyon.

"Kapag tinambakan natin 'yong dagat, nawawala 'yong gma natural ecosystems tulad ng bakawan o mangroves... Importante na 'wag ituloy 'yong mga ganitong proyekto," paliwanag ni de Jesus.--FRJ, GMA News