Natuwa at humanga si TV host Willie Revillame sa ginawang sorpresa ng isang anak para mapasaya ang kaniyang ina nang ibalitang pumasa siya sa pharmacy board.

Sa episode ng "Wowowin-Tutok To Win" nitong Lunes, ipinakita ang ulat ng GMA News "24 Oras" tungkol sa viral video ni Amonnah Jade Montañer.

Sa video, makikita ang magkahalong pagkagulat at walang pagsidlang kaligayahan ng ina ni Amonnah nang sabihin niyang "pharmacist na 'ko."

"Nakakatuwa. Ito yung mga feel good [stories] na nakikita natin. Very inspiring," sabi ni Kuya Wil na hinikayat ang mga manonood na tingnan ang nakaka-touch na reaksyon [ng ina].

"Palakpakan natin 'yon. Alam niyo kung bakit [masaya]? Kasi yung mama niya pharmacist din," sabi ni Kuya Wil.

"Yung mga magulang na nagpapakahirap sa kanilang mga anak, eto na 'yon. Very casual [yung pagbalita], 'Ma, pharmacist na 'ko," patuloy niya.

Ayon pa sa tv host, ganito ang reaksyon ng mga magulang kapag nakikitang nagtatagumpay sa buhay ang kanilang anak.

"Nakita niyo reaction ng kaniyang ina, sobrang kaligayahan. Wala nang kapantay na kaligayahan kapag ang iyong anak ika nga nakamtam yung pangarap ng anak mo," sabi ni Kuya Wil.

Kaya naman lubos ang pagbati ni Kuya Wil, hindi lang para kay Amonnah kung hindi maging sa kaniyang ina.

"Congratulations nanay at Amonnah!," sabi ng TV host.--FRJ, GMA News