Hindi na maitatanggi na bahagi na ng Paskong Pinoy ang awiting Christmas In Our Hearts. At ayon mismo kay Jose Mari Chan, unang ginamit ang melody nito sa ibang kanta.

Kuwento ni Jose Mari kay Jessica Soho, taong 1988 nang may isang babae ang nakiusap sa kaniya na gawing awitin ang ginawa nitong tula.

Nangyari raw ito nang magdaraos ng silver jubilee ang isang class ng Assumption.

Ginawang kanta ni Jose Mari ang tula, at ang naging melody nito ang melody na ginamit niya sa Christmas In Our Hearts.

Taong 1990 nang ilabas ni Jose Mari ang Christmas In Our Hearts, ang kaniyang kauna-unahang Christmas album.

Patuloy ni Jose Mari, dalawang taon makalipas na gawin niyang kanta ang tula, sinabihan siya ng kaniyang recording company na gumawa ng Christmas album.

"Naisip ko ngayon yung melody (sa tula na ginawang kanta). So I wanted to convert that into Christmas song. Kasi sayang kung hindi mo magamit," paliwanag niya.

Hanggang sa isang araw paglabas niya ng simbahan, isang babae ang lumapit sa kaniya--si Rina Cañiza, isang song writer, at nagsabing hangad niya na makipag-collaborate sa kaniya.

At nang nag-iisip na siya ng mga kanta para sa Christmas album, tinawagan niya si Rina para magtulungan sila.

Sinabi ni Jose Mari na ibinigay kay Rina ang "melody" sa tula na ginawa niyang kanta, na siyang melody ngayon nang hindi malilimutang kanta na "Christmas In Our Heart."

Ayon pa kay Jose Mari, si Rina mismo ang nakaisip ng titulo na "Christmas In Our Heart."

Lalo pang naging espesyal para kay Jose Mari ang naturang kanta dahil ang kaniyang anak na si Liza ang ka-duet niya rito.

--FRJ, GMA News