Nagulat si Betong Sumaya nang may sumali sa kaniyang live selling kamakailan na inakala niyang nagti-trip lang at nagpapanggap na si Alden Richards. At ang gulat, nauwi sa pag-iyak.

Sa naturang live-selling, ibinebenta ni Betong ang mga nabili niya noon na gamit tulad ng mga damit na hindi pa niya naisuot.

Hanggang sa may magtanong sa chat comment na may pangalan na "RJ Richards." Doon na nagtanong si Betong kung si Alden ba ito na nagtatanong ng "magkano?"

Hindi pa raw kasi sila "friend" ni Alden sa Facebook kaya hindi siya sure kung ang kapuwa-Kapuso actor nga ang nagtatanong.

Hanggang sa kumpirmahin na rin ng iba nilang kaibigan na si Alden nga si "RJ Richards," at naglaan ng P50,000 para bilhin ang mga ibinebenta niya.

"Yung for sale lang hindi bidding," biro ni Alden.

Sa panayam ni Aubrey Carampel kay Betong sa "24 Oras Weekend," sinabi ng komedyante na inakala niyang nanloloko lang ang nagpakilalang RJ Richards.

"Nagbiro pa ako, nagbigay pa ako ng figure, e, medyo mataas pa kasi nga iniisip ko na baka bogus 'to, e. Alam mo 'yun, poser ganun," sabi ni Betong.

Kaagad din daw na nagbayad si Alden sa kaniyang account.

Ayon kay Betong, nakita niya ang sobrang kabaitan Alden na itinuturing niyang kaibigan sa loob at labas ng showbiz.

"Doon mo mapapatunayan na 'yung mga kaibigan mo talaga na totoong kaibigan mo na susuporta sa anumang gagawin mo," ani Betong, na ginagawa ang live selling para may dagdag na kita ngayong panahon ng pandemic.

Kasalukuyang naka-lockin taping si Alden para sa "The World Between Us." --FRJ, GMA News