Kahit na matamis, hindi gaanong nakapagpapataas ng sugar level ang rambutan at mayaman din ito fiber. Anu-ano nga ba ang mga benepisyo na kaya nitong ibigay sa kalusugan ng tao?

Sa programang "Pinoy MD," sinabi ng endocrinologist na si Dr. Ivy Amante, na nakatutulong ang fiber content ng rambutan sa pagpapababa ng timbang ng isang tao, kung balanse lang itong kakainin.

Ayon pa kay Dr. Amante, mas matagal na nabubusog ang isang tao kapag kumakain siya ng pagkaing mayaman sa fiber tulad ng rambutan.

Kumpara rin sa ibang prutas, matamis pero hindi gaanong nakapagpapataas ng blood sugar level ang rambutan. Kaya pwede rin itong kainin ng mga diabetic bilang kanilang panghimagas.

Mayaman ang rambutan sa vitamins, magnesium, copper, phosphorus at minerals.

Gayunman, hindi hinihikayat ang mga diabetic na gawing juice ang rambutan dahil nawawala ang fiber nito at tataas lamang ang kanilang sugar content.

Tunghayan sa Pinoy MD ang mga kakaibang recipe na ginagamitan ng rambutan. Panoorin ang video.

--FRJ, GMA News