Sa nalalapit na pagtatapos ng Kapuso hit series na "Legal Wives," sino kaya ang "the one" na pipiliin ni Dennis Trillo para sa karakter niyang si Ismael: Si Diane, si Amirah o si Farrah?

"Well kung iisipin mo 'yung kung kanino talaga siya na-in love at humaling na humaling, palagay ko talagang true love niya si Diane," sabi ni Dennis sa panayam sa kaniya sa GMA News Unang Hirit.

"Kay Diane naman, siyempre siya talaga 'yung true love ni Ismael eh. Sa kaniya talaga siya (Ismael) na-in love na na-in love. Patay na patay siya talaga roon at ipinaglaban niya hanggang sa huli," dagdag ni Dennis.

Gumaganap si Alice Dixson bilang si Amirah Alonte, ang unang asawa ni Ismael, samantalang ginagampanan naman ni Andrea Torres ang karakter ni Diane, isang Katoliko na naging ikalawang asawa ni Ismael.

Si Bianca Umali ay si Farrah, ang ikatlong asawa na sinagip ni Ismael sa kahihiyaan matapos mabuntis nang humalay sa kaniya.

Hindi naging maganda ang unang pagsasama nina Ismael at Amirah. Ang kapatid kasi ni Ismael na si Naseer ang unang asawa ni Amirah.

Pero sa pagkamatay ni Naseer, ipinakasal kay Ismael si Amirah para protektahan ito at bilang pagtanaw ng utang na loob.

Aminado naman si Dennis na ang eksena nina Ismael at Farrah na sasakay sa motorsiklo ang pinaka-kilig moment scene para sa kaniya sa "Legal Wives."

Habang ang eksena na humihiling si Diane ng diborsiyo kay Ismael ang pinakamahirap na eksena para sa kaniya dahil ginawa ito sa gilid ng kalsada na marami umanong "distraction."

Sa pagtatapos ng series, mas napahalagahan pa raw ni Dennis ang kultura ng mga Muslim.

"'Yung mga nakaka-eksena ako ng totoong Imam, 'yung totoong high priest sa mga Maranao, sa Islam, sa mga Muslim. Makagagawa ka ng magandang eksena dahil legit 'yung mga kaeksena mo and at the same time natututo ka roon sa kanilang relihiyon at kultura," anang Kapuso Drama King.

Alamin kung mapupunta kaya sa iisang asawa si Ismael sa huling episode ng "Legal Wives" ngayon Biyernes, Nobyembre 12 sa Telebabad. --FRJ, GMA News