Nagmistulang nagtatanghal sa circus ang isang lalaki na pinapanood ng mga tao habang tumutulay sa kable ng kuryente sa Cavite. Ang lalaki, nagtangka raw magnakaw sa isang tindahan pero nabulilyaso ng may-ari.

Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita ang video habang tumutulay sa kable ng kuryente ang suspek na hindi pinangalanan sa Barangay Paliparan Tres.

Kuwento ni Reynaldo Borlagdatan, magsasara na siya ng tindahan dakong 7 p.m. nang may madinig siyang ingay sa itaas ng bahay kaya tiningnan niya.

"Umakyat ako at sinindihan ko ang ilaw sa taas, tapos dun ko siya nakita. Nung nakita ko yun tumago pa sa poste," ayon kay Borlagdatan.

Para makalayo, tumulay sa kable ng mga kuryente ang suspek pero nalaman na ito ng mga tao kaya inabangan na siya ng mga opisyal ng barangay.

May pagkakataon pa na muntik mahulog ang suspek pero nakahawak siya. Sa huli, naaresto rin ang lalaki.

Ayon sa asawa ni Borlagdatan na si Delia, hindi iyon ang unang pagkakataon na tinangkang pagnakawan ang kanilang tindahan.

Hindi na sinampahan ng kaso ang lalaki, na ayon sa kaniyang tiyahin ay pinauwi na nila sa probinsiya.

Bagaman aminado ang tiyahin na nabarkada ang kaniyang pamangkin, hindi siya naniniwala na nagtangka itong magnakaw.--FRJ, GMA News