"Hindi lahat ng tumatawag sa Akin na Panginoon, Panginoon, ay papasok sa Kaharian ng Langit;. kundi ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Aking Ama na nasa Langit". (Mateo 7:15)

Marami sa atin ang labis na nagugulat kapag may nababalitaan tayong alagad ng Simbahan na nasangkot sa kontrobersiya o iskandalo katulad ng pakikiapid.

Sino ba naman ang hindi magugulat kapag nabalitaan natin na ang isang alagad ng Diyos o mangangaral ng Salita ng Diyos ay nagkaroon ng bawal na relasyon.

Sapagkat mahigpit na ipinangangaral ng lahat ng relihiyon at sekta, alinsunod sa itinuturo ng Bibliya na ipinagbabawal ng Panginoong Diyos ang pakikiapid o pangangalunya.

"Ito ang sinasabi ko sa inyo: Sinumang lalaking humiwalay sa kaniyang asawa, maliban kung ang asawa niya'y nakikiapid. Itinutulak niya ang kaniyang asawa na mangalunya at siya'y mag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya,  at ang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya". (Mateo 19:9)

May ilang naglilingkod sa Simbahan ang sadyang marupok. Ito ay isang reyalidad na kailangan nating tanggapin. Dahil kapag pumasok at sumalakay na ang tukso ng "laman," marami talaga ang nahuhulog sa bitag ng Diyablo.

Pinatutunayan lamang nito ang kasabihan na hindi lahat ng naglilingkod sa Panginoon ay banal. Sapagkat may mga tao ang sadyang natatangay at nadadala sa pambubuyo ni Diablo kaya tuluyan silang nahuhulog sa kasalanan.

Ganito ang mensahe ng Mabuting Balita (Mateo 7:15-20), na hindi lahat ng tumatawag sa pangalan ng ating Panginoong Diyos ay nakatitiyak ng makakapasok sa Kaharian sa Langit.

Mahirap sundan ang ating Panginoon o ang pamumuhay Niya sa kabanalan kung mahina at marupok ang ating pananampalataya. Sadya kasing may mga dumarating na pagsubok sa ating buhay.

Sapagkat kapag tayo ay napapalapit sa ating Panginoon, doon naman lalong sumisidhi at umiigting ang mga dumarating na pagsubok. Kabilang na ang tukso na pakana ng Diablo para ilayo tayo sa Panginoong Diyos.

Kung hindi matibay ang pundasyon ng ating pananalig sa Diyos, tiyak na bibigay tayo sa kasalanan. Katulad ng isang bahay na itinayo sa buhanginan.

Isinasaad sa Mateo 7:26: "Ang bawat nakikinig ng aking salita ngunit hindi naman nagsasagawa ng mga ito ay maitutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kaniyang bahay sa buhanginan."

Kung nais natin matamo ang buhay na walang hanggan at makapasok tayo sa Kaharian ng Diyos sa Langit, kailangan nating magpakatatag sa ating pananampalataya at isapuso ang bokasyon bilang mga Alagad ng Diyos.

Inilalarawan din sa Sulat ni San Mateo na ang mga taong nananatiling matatag sa kanilang pananampalataya at sinusunod ang mga aral ng Diyos ay katulad ng isang matalinong tao na nagtayo ng kaniyang bahay sa pundasyong bato. Ang matibay na pundasyong ito ay walang iba kundi si HesuKristo.

"Kaya't ang bawat nakikinig at nagsasagawa nga mga salita kong ito ay maitutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kaniyang bahay na ang pundasyon ay bato". (Mateo 7:24)

Kaya hindi sapat ang pagsasambit lamang ng mga katagang Panginoon, Panginoon; kailangan nating isapuso, isaisip at isagawa ang ating pananampalaya sa Diyos upang makapasok tayo sa Kaharian ng Langit.

Manalangin Tayo: Panginoon, nawa'y tulungan Niyo po kami na maging matatag sa aming pananampalataya. Tulungan Niyo po kami na makaiwas sa kasalanan upang maging karapat-dapat kami sa Iyong Kaharian. AMEN.

--FRJ, GMA News