Para mawala ang kaba, pinagti-Tiktok muna ang mga buntis bago sila paanakin sa isang maternity clinic sa Mariveles, Bataan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan," sinabing nag-trending online ang mga midwife sa clinic ni Cristy Hernandez, o mas kilala bilang si Momshie Cristy, dahil hindi lang sila basta midwives kundi mga Tiktokerist din.

Paniwala ni Momshie Cristy, nakawawala ng stress at kaba ang paghataw at pag-indak kasabay ang ilang Tiktok hits para sa mga buntis bago sila magsilang ng sanggol.

Dalawampu't pitong taon nang midwife si Momshie Cristy.

"Wala akong kaalam-alam sa Tiktok, so tinry (try) namin kasi sobrang, alam mo noong pandemic, nakalulungkot isipin na lahat ng tao ay nakakulong. So nakikisayaw-sayaw ako, doon nag-start 'yon. 'Yung mga pasyente rito sa loob ng DR nakakatuwa kasi habang nagle-labor sila nag-iiyakan, so sabi ko sayawan nga natin itong pasyente natin," sabi ni Momshie Cristy.

Makikita sa Tiktok account ni Cristy na pinasasayaw muna ang mga mommy bago sila manganak, kasama ng kaniyang staff.

Pinagti-Tiktok din maging ang mga daddy pagkatapos lumabas ang baby.

Bukod dito, gumagawa rin ng video si Cristy para sagutin ang mga katanungan ng mga nanay.

Dahil dito, triple ang naging dagsa ng mga pasyente sa kanilang clinic simula nang regular silang mag-post ng Tiktok videos online, kumpara dati bago pumutok ang pandemya.

"Happy ako dahil mas marami akong napasaya, mas maraming mga pasyente ang pumupunta rito at maraming nakapanonood ng aking mga advice. 'Yung knowledge nila ay nadadagdagan," sabi ni Momshie Cristy.

--Jamil Santos/FRJ, GMA News