Inihayag ni Iya Villania na nag-bungee jumping siya sa unang pagkakataon nang hindi niya alam na ipinagbubuntis na pala niya ang anak na si Leon.

Ibinahagi ito ni Iya sa show nila ni Camille Prats na "Mars Pa More," nang sabihin ng kanilang guest na si Bianca Umali na hindi pa siya nakakapag-bungee jumping.

Sa segment na "On The Spot," pinadugtungan kay Bianca ang salitang: "Sa buong pamilya ko, masasabi kong ako lang talaga ang hindi pa nakakapag..."

Dito na sinabi ni Bianca na tanging siya na lamang sa kanilang magpipinsan na adrenaline junkie ang hindi pa nakakapag-bungee jumping.

Pero nais daw itong subukan ng aktres dahil nararamdaman niya na habang tumatanda siya ay lalo siyang nagiging matatakutin o mas maingat sa sarili.

"Parang I can't risk anything," saad Bianca. "No time to get injured, no time to recover from something."

Matapos nito, ibinahagi na ni Iya na first time siyang nag-bungee jumping nang nasa Mexico siya at hindi niya alam na buntis siya noon kay Leon.

"How funny," ani Iya. "But it was a moment kasi na I couldn't say no. Nasa Mexico ako na parang when you're given a chance, and its the perfect opportunity...jump! Go for it."

Pero pahabol na payo ni Iya, "Huwag naman sana kapag alam mong buntis ka."
--FRJ, GMA News