Sa mismong bakuran ng paaralan naganap ang malagim na krimen kung saan binaril ng isang principal ang isang babaeng guro at asawa nito sa Hinobaan, Negros Occidental. Ang suspek, nagbaril din sa sarili.

Sa ulat ni Adrian Prieto sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing sinusundang anggulo ng mga imbestigador ang posibleng alitan ng suspek na si Warren Escosar at ang guro na si Alvarisa Arroy.

Si Escosar ay principal ng Bilbao Uybico National High School sa Barangay Pook sa bayan ng Hinoba-an.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, inihatid sa paaralan si Arroy ng kaniyang mister. Pero hindi pa nakakaalis ang mister, nadinig na nitong humihingi ng saklolo ang kaniyang asawa.

Kasunod nito ay nangyari na ang pamamaril umano ni Escosar kina Arroy at sa asawa nito.

Matapos na barilin ang mag-asawa, nagtungo umano si Escosar sa kaniyang sasakyan at kumuha ng isa pang baril at nagbaril din sa sarili.

Patay na ang tatlo nang dumating ang mga rumespondeng pulis.

"Sa ngayon inaalam pa natin kung may personal na galit ang princicpal sa co-teacher nito. Subject pa ito sa comfirmation. Pero magpa-file sana ng complaint ang guro laban sa suspek. Marahil nagkainitan sila kanina at nagkataon na nasa paaralan ang mister ng guro," ayon kay Police Major Jhong Ganzon, hepe ng Hinobaan Municipal Police Station.

Magsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ng Department of Education-Negros Occidental sa ugat ng madugong krimen na naganap sa loob ng bakuran ng paaralan.

Sinabi rin ni Ian Arnold Arnaez, spokesperson ng DepEd-Negros Occidental, magsasagawa sila ng psychological first aid sa mga mag-aaral at guro na nakasaksi sa krimen.

Pansamantala munang sinuspinde ang face-to-face class sa naturang paaralan.--FRJ, GMA News