Aminado si Mark Herras na nakaranas siya ng depresyon nang magkakasunod na pumanaw ang mga mahal niya. Pero nalaman ni Mark ang kasagutan sa mga tanong niya kung bakit iyon nangyari nang magkaroon na siya sarili niyang pamilya.

"Namatay 'yung lola ko, then my dad, then my mom, then my tito. Sunod-sunod sila eh. 2011 si lola, 2014 is my dad. After two years my mom, then after six months my tito," pagbabalik-tanaw ni Mark sa programang "Mars Pa More."

"Hindi ako nakapag-mourn nang maayos. Kasi magmo-mourn pa lang ako sa daddy ko, namatay na 'yung mom ko. Tapos after ng six months namatay 'yung tito ko. Parang, paano ako magmo-mourn?" saad ng aktor.

Inilahad ni Mark na naging depressed siya noon dahil sa dagok sa kaniyang buhay.

"Sobra. Sobra Kuya Kim (Atienza). Matatag pa rin 'yung paninindigan ko sa buhay. Kasi siguro kung iba 'yan, baka, alam mo na..."

Tila nawalan daw ng direksiyon si Mark sa buhay at hindi iniingatan ang kaniyang kita dahil sa nangyari.

"Talagang nandoon pa rin ako sa parang... 'Bahala na, gagawin ko ito.' Walang direksiyon. Na parang, sige magtatrabaho ako, pero 'yung pera ko, after it, one-day millionaire lang ako na, 'Wala naman akong pakialam eh, kasi ano pa ang purpose ko sa buhay, 'di ba?'"

"Kasi before I joined Starstruck, sinasabi ko sa kanila, 'Bakit ka nag-showbiz?' 'Just to help my family.' Siyempre nandiyan pa rin 'yung mga pinsan ko, 'yung mga tita ko. Pero 'yung mismong pamilya ko na core, wala na. So parang nawalan ako ng direksiyon sa buhay, ano pa ang dapat kong gawin?" dagdag ni Mark.

Kinuwestiyon din ni Mark noon kung ano ang plano sa kaniya ng Maykapal.

"Na-witness ko 'yung apat na pangyayari sa buhay ko na 'yun na, nasabi ko nga, 'Ano pa po ba ang plano Niyo sa akin?' Lahat tayo kinukuwestiyon natin 'yun eh," sabi ni Mark.

"Before, ang lagi kong tinatanong, 'Why God? Ano po ba ang plano Ninyo sa akin?' Noong time na 'yun kinokontra ko Siya, sabi ko 'Parang mali eh, hindi Niyo dapat kinuha sa akin eh,'" dagdag pa niya.

Pero nagbago ito nang dumating sa buhay niya ang asawang si Nicole, at pagkatapos nito ay ang anak nilang si Corky.

"Ang tagal ng turning point. Actually sa totoo lang noong dumating sa akin 'yung bago kong naging pamilya, si Nicole and si Corky," anang aktor.

"Ngayon, ito pala 'yung purpose ko. Para matuto ako sa buhay, to be a responsible dad sa anak ko, to be a better father, a better partner sa wife ko," ani Mark.

Kaya naman sinusulit ngayon ni Mark ang bawat proyektong natatanggap at inilalaan niya ang kaniyang kita para sa kaniyang pamilya.

"Talagang ngayon, every time may ibinibigay sa akin na project o trabaho ang GMA, talagang... 'Bakit ka nagtatrabaho?' 'Para sa pamilya ko, para sa asawa ko, para sa anak ko.' Kung na-experience ko man na mahirapan sa buhay kahit nag-a-artista ako, ayokong ma-experience nila," saad niya.

Isinilang ni Nicole si Corky, o Mark Fernando, noong Enero 31, 2021.

Nagpakasal sina Mark at Nicole Setyembre 8 noong nakaraang taon sa isang civil wedding. --FRJ, GMA News