Pinili ng isang couple na mag-prenup photoshoot sa palengke para ipakita ang pang-araw-araw na buhay ng mga Pinoy "sa hirap at ginhawa."
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat din ni JP Soriano sa Saksi nitong Biyernes, sinabing ito ang napiling tema ng couple na sina Harilyn at Anthony Reario.
"Since we will be having a Filipino wedding, we want to make sure na 'yung made-depict niya talaga is 'yung every day to day life ng mga Pilipino na mag-asawa na namamalengke. Tapos minsan kung anu-anong raket ang ginagawa para mabuhay bilang mag-asawa. Kumbaga sa hirap at ginhawa," sabi ni Anthony.
Maliban sa nakaka-relate sa tema ang mga Pilipino, maipakikita din nina Harilyn at Anthony ang panata ng mga couple na "sa hirap at ginhawa."
Sa kanilang pictorial, feel na feel ng couple ang pagliligawan habang nagtitinda ng isda sa palengke, naglalako ng balut at sorbetes.
"'Yung shoot na 'yun, actually is less than two hours lang. So sabi ko 'Sige dito tayo sa palengke, sa Concepcion Market," sabi ni Harilyn.
Ikinasal noong Marso sina Anthony at Harilyn. —Jamil Santos/KG, GMA News
