Nagluluksa ang OPM industry sa pagpanaw ng itinuturing isa sa mga haligi nito na si Danny Javier ng sikat na grupong Apo Hiking Society. Bagaman kilala na trio ang grupo kasama sina Jim Paredes at Boboy Garrovillo, nagsimula pa sila na mayroong 12 miyembro.

Tulad ng nakasaad sa isang awitin ng Apo Hiking Society na "San Na Nga Bang Barkada," tunay palang "nagsimula ang lahat sa eskuwela" at "nagsama-sama ang 12" para mabuo ang naturang grupo, na isa sa mga itinuturing icon ng OPM o original Pilino music.

Sa isang episode ng dating GMA show na "PowerHouse," napag-alaman na 12 ang orihinal na miyembro ng Apo Hiking Society, na unang nakilala bilang Apolinario Mabini Hiking Society, ng Ateneo de Manila High School.

Ayon kay Jim, nauna silang nagkilala ni Boboy, habang nakasama naman nila si Danny nang nasa college na sila.

Kuwento ni Jim, unang nabuo ang grupo nang kailanganin na katawanin nila ang eskuwelahan sa isang singing competition.

Sabi ni Boboy, nang mag-isip na sila ng ipapangalan sa kanilang grupo, kinailangan na mayroon itong kaugnayan sa kanilang paaralan, gaya ng initials ng eskwelahan na AMHS.

May mga mungkahi umano na malayo sa pangalan ng kanilang paaralan hanggang sa lumutang ang pangalang Apolinario Mabini Hiking Society, na AMHS ang initials.

Nagpatuloy ang grupo pero apat na lamang ang natira na sina Boboy, Jim, Danny, at si Lito de Joya.

Gayunman matapos ang kolehiyo, nagpasya ang grupo na maghiwa-hiwalay na ng landas at magkaroon ng farewell concert.

Ayon kay Boboy, nang panahon iyon, aalis na siya para maging magsasaka sa Negros, habang may pending exhange student program sa Turkey si Jim. Nag-apply naman sa marketing work umano si Danny, at tututok sa advertising company ng pamilya si Lito.

Mula nang mabuwag, nagkaroon ng pagkakataon sina Jim at Danny na magkasama nang sumali silang dalawa sa isang TV show.

Ayon kay Jim, nang sumikat ang naturang TV show, tinawagan nila si Boboy na bumalik na mula sa pagsasaka. At nang bumalik, doon na nabuo ang trio nila bilang Apo Hiking Society, and the rest is history.

Nitong Lunes, iniulat na pumanaw na dahil sa komplikasyon ng kaniyang mga sakit ang 75-anyos na si Danny.

Sa isang panayam noon sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," inilahad ni Danny ang dahilan kung bakit nagpasya silang buwagin na ang grupo pagkaraan ng 40 taon na magkakasama.

Nilinaw niya na hindi sila nag-away pero sa tingin nila ay tama na ang kanilang nagawa bilang isang grupo.

"Hindi kami nag-away. As a matter of fact, the reason why I said it was about time to quit kasi I wanted to keep the relationship," sabi ni Danny.

Inilahad din niya ang kaniyang karanasan nang muntikan na noong mamatay dahil din sa karamdaman.

Matapos malagpasan ang malubhang sakit, pinili na ni Danny na mabuhay na ng pribado --FRJ, GMA News