Halagang P1,000 na nakuha niya sa paglalaro ng video games, sinimulan ng 18-anyos na si Josh Mojica ang kaniyang negosyong kangkong chips. At hindi gaya ng kasabihan, hindi "pinulot sa kangkungan" ang binata dahil nagtagumpay siya at isa na ngayong milyonaryo.

Sa programang “Pera Paraan”, ikinuwento ni Josh na nagpursige siyang magkaroon ng negosyo para sa kaniyang pamilya na hindi matatag noon pagdating sa usaping pinansiyal.

“Nag-start ako ng business that time kasi hindi maganda ‘yung kalagayan namin sa bahay. Hindi kami financially free,” saad ni Josh. 

“Sinimulan ko ang kangkong chips business ko last year. June 2021. Nag-start po siya birthday po ni daddy [lolo ko] last May. ‘Yun po ang huling birthday niya bago po siya mamatay,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Josh na minsang nagluto ang kaniyang tita ng crispy kangkong, nasarapan sila at naisip niya na puwede itong gawing negosyo.

Ang simpleng kangkong, ginawa niyang sitsirya na may iba’t ibang flavor tulad ng classic, cheese, barbeque, spicy, sour cream at honey butter.

Gayunman, hindi raw naging madali para kay Josh ang pag-abot ng tagumpay.

“Gumigising siya ng maaga para magtrabaho. Minsan kapag madaling araw nag-iisip pa siya ng marketing strategies. Nagpaplano pa siya. Grabe ang pagpupursigi sa business,” pahayag ni Christine Varias, nanay ni Josh. 

Dahil sa tiyaga at pagpupursigi, kumita raw si Josh ng milyon kahit 17-anyos pa lang siya noon.

Mayroon na rin siyang 100 resellers, nakabili ng sasakyang pang-deliver at nakapagpatayo ng warehouse para sa kaniyang negosyo.

Pero higit sa lahat, nagkasama-sama na sila ng kaniyang pamilya.

“’Yung mother ko po is a single mom. Kaya sila po nag-alaga sa akin, ‘yung lolo’t lola ko. Two months old pa lang po ako nagtrabaho na si mama sa Manila,” ani Josh.

Bilang single mom at 19-anyos lang noon si Christine, punong-puno raw siya ng takot.

“Nandoon ‘yung hindi ko alam paano bubuhayin ang anak ko. Pero siyempre nandyan naman ang tulong ng family ko pero hindi ganoon kadali. Lahat ng frustrations ko sa buhay ibinuhos ko kay Josh,” sambit niya.

“Naging mahigpit akong mom kasi ayaw kong magaya siya sa akin. Sobrang swerte kong magulang kasi kahit naging mahigpit ako sa anak ko. Imbes na magrebelde siya, pinatunayan niya ang sarili niya,” dagdag pa niya.

Pero paano nga ba naging milyonaryo si Josh sa paggawa ng kangkong chips?

“Nag-start po ako magbenta noong pandemic. Unang-una po sinimulan ko muna sa friends. Mga kalapit na kamag-anak dito lang sa baryo namin na made-deliveran ko lang habang naglalakad lang ako. Hanggang sa may nakapag-order sa akin at nakapansin ng negosyo ko,” kuwento ng binata.

“After two weeks, natikman po nila. Nasarapan po sila then bigla na lang po nagbagsak ng 100 packs na order po sa amin. Dun na po nagsimula lahat,” aniya pa.

Samantala, inaamin ni Joshua na wala raw siyang alam sa pagnenegosyo. Pero sabi niya, kapag gusto, laging may paraan.

“Wala na pong excuse ngayon para kumuha ng learnings eh. Lahat po ay nasa internet na. Actually, lahat po ng side ng business magkakaroon ng problema. Pero each day hinahanap ko po ‘yung mga ‘yun at tina-try ko pong solusyonan as much as possible,” diin ng binata.

“So, sa problems po hindi ko siya naging kalaban. Naging kakampi ko po siya para mas marami pa akong matutunan,” sambit pa niya.

Sa ngayon, hindi raw sinasayang ni Josh ang pagkakataon na mapalago pa ang kaniyang negosyo.--FRJ, GMA Integrated News