Kahit buntis, kailangan ng isang ginang sa Cebu na magpasan ng sako-sakong uling at maglakad sa bundok para masuportahan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na limang buwang buntis ang ginang na si Ginalyn. Kung minsan, pinapasan din niya ang isa sa kambal niyang anak na dalawang-taong-gulang.

Hindi naman matulungan ni Mang Argie ang kaniyang buntis na asawa sa pagbubuhat dahil sa sugat sa kaniyang leeg na nakuha niya sa isang aksidente.

Umaabot umano sa 30 kilo ng uling ang pinapasan ni Ginalyn, at naibebenta niya ng P15 kada sako para may maipambili sila ng pagkain.

"Tinatalian ko lang Ma'am tapos kinakarga ko sa likod ko. Ang isang sako nasa 15 kilos tapos dalawang sako so 30 kilos po lahat Ma'am," saad niya.

Ayon kay Ginalyn, kailangan din niyang mag-ingat sa paglalakad sa bundok para hindi siya madulas.

"Umiiwas lang din ako sa mga bangin-bangin. Humahawak lang din ako sa mga gilid para hindi ako ma-slide na nagkakarga ako ng uling," lahad niya.

Habang abala si Ginalyn sa pagsusunog ng ginagawang uling, binabantayan naman ni Argie ang mga anak na ginawa na ring palaruan ang ulingan.

May pagkakataon din na napapaso ang mga bata sa paglalaro sa ulingan.

"Nababahala rin ako sa kanilang health na makalanghap ng usok galing sa uling dahil maalikabok. Pero wala namang ibang magbabantay," ani Ginalyn.

Aminado si Argie na naaawa siya sa kaniyang asawa na siyang nagtatrabaho para sa kanila.

"Minsan naiiyak ako Ma'am kasi siya kumikilos kasi hindi na ako nakakapagtrabaho. Ang sabi ko sa kanya, umuwi na lang sila sa kanila," pahayag ng mister.

Pero walang plano si Ginalyn na iwan ang kaniyang kabiyak.

"Minsan sinasabi niya na, 'Iwan mo na lang ako kasi imbes na ako nagtatrabaho, ikaw ang nagtatrabaho.' Nung panahon na wala pa siyang dinaramdam sa leeg niya, inalagaan din niya kami ng mga anak niya tapos ngayon na kailangan niya kami kaya hindi ko siya iiwan Maam," sabi ni Ginalyn.

Para may dagdag na kita, nagtatrabaho rin si Ginalyn sa isang tindahan ng barbecue kung saan kumikita siya ng P100 kapag pumasok sa isang araw.

Sa isang araw, nakakapagbenta si Ginalyn na apat na sako ng uling o P60, at P100 sa tindahan, o kabuuang P160. Pero kailangan niyang magtabi ng P50 para sa kaniyang panganganak.

Sa ngayon, nakapagtabi na raw siya ng P1,700, malayo pa sa P5,000 na kailangan niyang ipunin.

"Ang iniisip ko lang 'yung mga anak ko na kung sakali sumuko ako, paano na lang sila? Mataas 'yung pangarap ko para sa kanila Ma'am," anang ginang.
Upang matulungan ang pamilya ni Ginalyn, ipinasuri sila sa duktor para matiyak ang kanilang kalusugan.

Napag-alaman na gumagaling na ang sugat sa leeg ni Argie pero dapat inangatan na huwag maimpeksiyon.

Pinag-iingat naman si Ginalyn sa mga mabibigat na gawain dahil maaaring magdulot ito ng pagdurugo at humantong sa miscarriage.

Binigyan din ang pamilya ng cash gift at grocery items, at nangako naman ang lokal na pamahalaan ng Tabogon, Cebu ng mapagkakakitaan sa mag-asawa para hindi na sila mag-uling.

"Sa kanila ako kumukuha ng lakas. Ako lang mag-isa dito kaya kailangan ko talagang magsikap. Ginawa ko lahat Sir para sa kanila Sir," ani Ginalyn.

Tunghayan ang buong kuwento ni Ginalyn na handang magsakripisyo para sa kaniyang pamilya.--FRJ, GMA Integrated News