Kagaya ni Zaqueo, sikapin din nating makilala ang Panginoong Hesus (Lucas 19-1-10). “Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang mga naliligaw”.

MINSAN, mayroong nagsabi sa akin na huli na raw ang aking pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Sapagkat, ayon sa kaniya, ginawa ko dapat ito noong araw pa. Para bang nais niyang ipakahulugan sa akin na “huli na” ang aking pagsisisi at pagbabagong-buhay.

Ang paniniwala niya, wala nang saysay ang ginawa kong pagsisisi sa aking mga kasalanan. Bakit nga kaya? Dahil kaya sa aking edad? Para bang magsisisi man ako ngayon, ano pa ang katuturan nito? Para bang nais din niyang palabasin na wala na akong pag-asa, hindi na katanggap-tanggap ang aking pagsisisi at pagbabalik-loob sa Panginoon.

Sino bang tao ang hindi nagkasala? Sino bang tao ang ipinanganak na malinis? Walang taong ipinanganak na perpekto. Kaya nga nang laging ipinapaalaala sa atin ng Bibliya na sikapin natin maging ganap tulad ng ating Panginoong Diyos (Mateo 5:48).

Mababasa din natin sa Mabuting Balita (Lucas 19:1-10) ang kuwento ng isa pang makasalanan na nagbalik-loob sa Panginoon matapos niyang matagpuan si Hesus sa kaniyang buhay. Siya ay si Zaqueo, isang mayaman at pinuno ng mga maniningil ng buwis.

Bago nakilala at natagpuan ni Zaqueo si Hesus, ang taong ito na isang Hudio ay nabubuhay sa kasalanan sa pamamagitan ng panlalamang sa kaniyang mga kababayan. Kaya siya naging napakayaman ay dahil sobra-sobra siyang kung magpatong ng sinisingil na buwis.

Isang araw, pumasok si Hesus sa Jerico at naglakad sa kabayanan (Lucas 19:1-3). Nais sana ni Zaqueo na makita si Hesus subalit bigo siya dahil sa kaniyang pagiging maliit na tao, at natatabunan siya ng napakaraming tao sa kaniyang harapan.

Katulad ni Zaqueo, may mga balakid din sa atin para makita si Hesus at aminin ang ating kahinaan, kasalanan at pagiging marupok. Kaya minsan, nagpapatangay na lamang tayo sa agos ng buhay o nagpapadala na lamang tayo sa kasalanan.

Ngunit hindi hinayaan ni Zaqueo na maging tuluyang hadlang ang kaniyang pagiging maliit para hindi niya makita at makilala si Hesus. Umakyat siya sa “puno ng sikamoro” (Lucas 19:4), at nag-ingay para makita at makilala ang Panginoon.

Minsan, kailangan din natin mag-isip-isip kung ano ba ang nais nating mangyari sa ating buhay. Magpapatangay na lamang ba tayo sa agos ng kasalanan? Lagi na lamang ba natin ikakatwiran na tao lang tayo, marupok, kaya tayo nagkakasala?

Papaano kung sa pagtanda mo ay ganyan pa rin ang ugali mo o kaya’y nabubuhay ka pa rin sa kasalanan? Hindi mo ba sisikaping magbago na katulad ni Zaqueo, na sinikap makilala ang Panginoong Hesus at mula noon ay nagbago na ang kaniyang buhay.

Dapat ba tayong makontento sa buhay na masalimuot, magulo, makasalanan? Hindi ba natin gugustuhing makatakas sa ganiyang klase ng buhay? Ayaw ba natin ng masayang buhay at payapa?

Iniwan ni Zaqueo ang luma niyang buhay kahit limpak-limpak na salapi ang kaniyang kinikita. Mas pinili niya si Hesus sa pamamagitan ng pagtanggap nito kay Kristo sa kaniyang bahay katulad din ng pagtanggap niya sa Panginoon sa kaniyang buhay.

Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na kailangan natin mamili sa ating buhay: mananatili ba tayo sa kasalanan o sisikapin natin na maghanap ng paraan para makilala at matagpuan ang Panginoon, katulad ng ginawa ni Zaqueo.

Sa Pagbasa, napadaan si Hesus sa Jerico kaya nakita at nakilala Siya ni Zaqueo. Minsan din sa ating buhay ay mararamdaman natin na tila dadaan sa ating lugar ang Panginoon.  Tularan sana natin si Zaqueo na walang inaksayang panahon para mapalapit siya kay Hesus at nagbagong-buhay sa paglayo sa mga kasalanan.

Marahil ang isang palatandaan ng pagdaan ni Hesus sa ating buhay ay sa pamamagitan ng mga taong naghahatid ng Mabuting Balita. Walang pinipiling edad ang pagbabagong-buhay. Huwag nating sayangin ang ganitong pagkakataon at sa halip ay samantalahin na natin ito katulad ng ginawa ni Zaqueo. AMEN.

--FRJ, GMA Integrated News