Isang sanggol na babae ang isinilang ng kaniyang ina nitong nakaraang Setyembre sa General Santos City na sobra ang laki ng tiyan. Ang nasa loob  umano ng tiyan ng sanggol, ang fetus ng kaniyang kakambal. Makaligtas naman kaya ang magkapatid?

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Maricris Albofera, na sobrang malaki ang kaniyang tiyan nang ipinagbubuntis niya ang kaniyang baby na pinangalanan niyang Zia.

Kaya inakala raw ni Maricris na kambal ang magiging anak nila ng kaniyang mister na si Bernard.

Pero sa ultrasound, lumitaw na isa lang ang baby na nasa kaniyang sinapupunan. Kasabay nito, may nakita ring problema sa kalusugan ng baby na malaki umano ang tiyan dahil sa volvulus, at nagpulupot daw ang bituka ng sanggol.

Sa kabila ng mga pag-aalala, ligtas na naisilang ni Marcris si baby Zia. Pero gaya ng inaasahan, lumabas ang sanggol na malaki ang tiyan. Ngunit ipinagtaka umano ng duktor na mas malaki ang tiyan ni baby Zia kaysa sa inaasahan, kung volvulos ang problema ng bata.

At nang magsagawa pa ng pagsusuri kay baby Zia, doon na natuklasan na may fetus sa loob ng kaniyang tiyan--ang kaniyang kakambal.

Pero paglilinaw ni Dr. Mark Anthony Naval, hindi talaga maituturing na nabuntis si baby Zia. Ang pagkakaroon ng fetus sa tiyan ng sanggol ay tinatawag umanong fetus in fetu, isang napakapambihirang kondisyon.

Noong 2007, napag-alaman na may ganitong insidente na rin na nangyari sa Baguio city. Dahil peligroso ang ganitong kalagayan para sanggol at sa fetus na nasa tiyan, isinailalim kaagad sa operasyon si baby Zia.

Nakuha sa kaliwang obaryo ng sanggol ang fetus na may laki na 12x11x8 cm.

"Malaki siya, parang isang ulo ng bata talaga," ayon kay Maricris.

Ayon Dr. Naval, may nakita sa fetus na dalawang parte na maaaring kamay o paa, mga buhok, at spinal column.

Iniisip ni Maricris na ang posibleng dahilan ng pagkakaroon ng fetus in fetu ng kaniyang anak ay ang pakikipagtalik niya kahit pitong buwan na siyang buntis.

Pero nilinaw ni Dra. Maria Carla Esquivias-Chua, ob-gynecologist, na hindi ang pakikipagtalik habang buntis ang dahilan ng festus in fetu.

"Sa genes 'yon mula nang nabuo yung pregnancy meron nang tumubong parang aberrant cell mali yung cell na tumobo, nag-proliferate naging cyst," paliwanag ng duktor.

Gayunman, hindi na nabuo ang fetus sa tiyan ni baby Zia. Ligtas naman at naging matagumpay ang operasyon sa sanggol.

Pero dalawang buwan makaraang siyang operahan, hindi pa rin kaagad nakakalabas ng ospital ang bata, ang dahilan, ang kakulangan sa pera ng pamilya para mabayaran ang gastusin sa ospital.

Kumusta na nga ba ang lagay ngayon ni baby Zia? Tunghayan sa video ang buong kuwento. --FRJ, GMA Integrated News