Bilang isang working student, malaking halaga para kay "Mervin" ang mahigit P20,000 kita bawat buwan sa pinasok niyang "kakaibang" online sex work.
Sa "The Atom Araullo Specials," sinabing hindi kailangan ni Mervin sa kaniyang trabaho na ipakita ang kaniyang katawan, o kahit iparinig ang kaniyang boses para mang-angkit.
Ang kailangan lang niyang gawin, magkunwari siyang babae, o siya mismo ang may-ari ng isang uri ng social media "account" ng isang babaeng modelo online.
"Chatter" ang tawag sa mga katulad ni Mervin dahil siya ang sasagot o makikipag-chat sa followers ng tunay na modelo ng hinahawakan niyang account.
Hindi gaya sa ibang social media ng mga celebrity na batid ng followers na may ibang tao ang nagha-"handle" ng account ng kanilang idolo, sa trabaho ni Mervin, kailangan na magaling siyang sumagot sa chat para mapaniwala ang kaniyang kapalitan ng mensahe na siya talaga ang modelong babae na may-ari ng account.
Kailangan ni Mervin na mahumaling sa kaniya ang kaniyang ka-chat at mahikayat niya itong "buksan" o i-unlock ang mga ipadadala niyang "private" photo ng modelo na ang katumbas--kita.
Tuklasin ang kakaibang mundo ng trabaho ni Mervin sa internet sa video na ito ng "The Atom Araullo Specials." --FRJ, GMA Integrated News
