Sa tulong ng isang Pinoy structural engineer, dumating na rin sa bansa ang seismic isolator, isang construction device na inilalagay sa mga gusali para makaiwas sa pagguho kapag lumindol. Alamin kung paano ito inilalagay sa gusaling nakatayo katulad ng ginawa sa isang simbahan na literal na hinati.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Cedric Castillo, sinabing isa ang Pilipinas sa earthquake-prone na mga bansa kaya nalalagay sa peligro ang buhay ng maraming Pilipino kapag nagkaroon ng malakas na lindol.

Kaya malaking tulong umano ang seismic isolator inilalagay sa ilalim ng mga poste ng mga gusali na nagsisilbing shock absorber ng malalakas na paggalaw ng lupa.

Kayang i-absorb ng seismic isolator ang lateral at vertical movement sa lindol.

"Ang purpose nito, from the term itself 'isolator.' Meaning we have to isolate the building from the ground during earthquake. Ina-isolate natin 'yung building from the most damaging effect of an earthquake, which is a lateral load, 'yung pagtakbo ng lupa ng kaliwa't kanan," paliwanag ni Engr. Ruel Ramirez, ang nagdala ng seismic isolator sa bansa.

Dagdag ni Engr. Ramirez, ang seismic isolator ang solusyon sa posibleng pinsala ng malalakas na pagyanig.

Gawa ang seismic isolator sa espesyal na klase ng rubber na kayang i-absorb ang hanggang magnitude 8 na lindol.

Ang nangungunang bansa na may pinakamaraming nakakabit na seismic isolator sa mga gusali ang Japan, pangalawa ang China at pangatlo ang USA, na siya ring mga bansa na nasa Pacific Ring of Fire, kung saan kabilang ang Pilipinas.

Maaari ding lagyan ng seismic isolator maging ang ilang mga nakatayo nang gusali. Gaya ng ginawa sa San Vicente De Paul Parish sa Maynila upang maisalba ang naturang lumang simbahan kung magkakaroon ng malakas na lindol.

Literal na hinati sa gitna ang buong simbahan para mailagay ang nasa 86 piraso ng seismic isolator sa mga poste.

"Ang linya na ito ang tinatawag na isolation plane. Buong building putol yan. Ang main intent ng isolation plane, para 'pag nag-slide na ang ground, doon lang siya bibigay, doon siya mag-slide. Lahat ng parts ng building, ang mag-a-absorb na lang ng lateral force due to earthquake is 'yung rubber," paliwanag ni Engr. Cruz.

Tunghayan sa video ang proseso kung papaano naikabit sa simbahan ang mga seismic isolator at kung paano ito mapoprotektahan sa lindol.--FRJ, GMA Integrated News