Dahil sa sobrang hilig sa pagkalikot ng kaniyang tenga, may cotton buds siya sa iba't ibang parte ng bahay, at may reserba pa pati sa wallet niya. Pero ang naturang gawain na unang masarap sa pakiramdam, naging dahilan para siya maospital.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing limang beses kada araw kung magbutingting ng tenga si Angelica Mojica, malayo sa nakaugalian ng iba ng isang beses lang sa loob ng isang araw.

"Pagka-gising ko sa umaga, pagkaligo, tapos everytime na mararamdaman kong makati pero hindi naman...sa gabi bago matulog, nakakakiliti kasi siya. Everytime na may gagalawin ka sa loob ng tenga mo parang napapapikit ka," kuwento niya.

Sa opisina, ginawa niya ring pangkalikot ng tenga ang paperclip na hinulma niyang panghinunuli o ear spoon.

Ayon sa ina ni Angelica, tila nasa pamilya nila ang pagiging mahilig sa pagkalikot sa tenga. Ginagawa din umano ito ng kaniyang kapatid na kung minsan ay humahantong na sa pagdurugo ng tenga.

Ang tatay naman ni Angelica, sinabing naikuwento sa kaniya noon ng kaniyang ina na namatay ang kapatid nito sa naturang "adiksyon" sa pagkalikot ng tenga nang magkaroon ng sugat sa loob.

Ang batang pinsan ni Angelica, nagsisimula na ring makahiligan ang palagiang pagkalikot ng kaniyang tenga.

Ayon kay Angelica, nang magkaroon ng tigyawat ang kaniyang tenga, hindi pa rin niya tinigilan ang pagkalikot sa tenga pati na sa tigyawat hanggang sa "pumutok."

Pero isang araw, hindi na natiis ni Angelica ang sakit na nararamdaman sa kaniyang tenga kaya nagpasama na siya sa ospital.

At laking gulat ng ina ni Angelica nang sabihin sa kaniya ng duktor na kailangan nilang i-confine ang dalaga.

"Nagulat ako nung sabihin ng duktor na i-confine. What? Checkup lang doc kako confine. Hindi po kasi ordinaryo na ano sa anak niyo," kuwento ng ina ni Angelica.

Nang suriin, nadiskubre na mayroong tumubo sa loob ng tenga ni Angelica na maaaring maging dahilan ng malalang komplikasyon.

Ano nga ba ang tumubo sa tenga ni Angelica at isa bang uri ng disorder ang pagkahilig niya sa pagkalikot ng tenga? Tunghayan sa video ang buong kuwento. Panoorin.--FRJ, GMA Integrated News