Sa segment na "Fast Talk" ng programang "Fast Talk with Boy Abunda," tinanong ang Superstar star na si Nora "Ate Guy" Aunor kung Boyet (Christopher de Leon) o Pip (Tirso Cruz III)?

Nahihiyang pinili ni Ate Guy si Pip.

Si Pip o Tirso ang madalas na leading man o ka-love team noon ni Nora sa mga pelikula. Naging asawa naman noon ni Nora si Boyet at nagkaroon sila ng biological son na si Ian, at apat na adopted children.

Sa panayam ni Tito Boy, inamin ni Nora ang matinding pagmamahal niya noon kay Tirso noong bata pa sila.

Hindi raw itinatanggi ni Nora hanggang ngayon ang pagmamahal niya noon kay Pip.

"Alam n'yo naman kung sino 'yun [Tirso], at hindi ko naman tinatago kung sino 'yun (si Tirso)," ayon kay Ate Guy na idineklarang National Artist noong 2022.

"Masarap umibig dahil kahit hindi ka niya pinapansin, [kahit] alam mo na 'di ka niya talaga totoong love, pero sa 'yo, 'yung puso mo para sa kanya, masaya na ako eh," sabi pa ni Ate Guy.

Nang tanungin kung ano ang nakababaliw na ginawa niya ng dahil sa pag-ibig, kuwento ng veteran actress, "Sobrang baliw!" 'Pag nag-aaway kami [ni Tirso], iinom ako nu'n tapos pupunta ako sa bahay niya. 'Di ako papapasukin, hanggang magdamag 'yun, nandun ako sa labas."

Nilinaw ni Ate Guy na wala pa sa buhay niya si Boyet nang mabaliw siya noon kay Pip.

Napangasawa ni Tirso si Erlinda "Lynn" Erillo Ynchausti. Habang nang magkahiwalay sila ni Boyet, napangasawa naman ng aktor ang aktres na si Sandy Andolong.

Kamakailan lang, inihayag ni Nora ang muli siyang gagawa ng pelikula kasama si Alfred Vargas.

Itinanghal na National Artist for Film and Broadcast Arts si Ate Guy noong nakaraang taon.—FRJ, GMA Integrated News