It's not a bird, it's not a plane, it's a fish? Isda na nga ba ang nakitang maitim na bagay na lumilipad sa ere na tinatayang nasa taas na 75 feet sa Dinagat Islands sa Mindanao?

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ng uploader ng viral video na si Juan Mark Rabanes, na makulimlim ang panahon nang makita niya sa ere ang tila isdang lumilipad kaya kinunan niya ng video.

Ang ibang nakakita, sinasabing tila lumalangoy sa ere at lumalayo pa ang pinaniniwalaang flying fish.

Iba't ibang haka-haka rin ang naisip ng mga tao tungkol sa lumilipad na bagay. May nag-iisip na nagbabadya ito ng panganib, habang mayroon din namang nag-iisip na suwerte ang dala nitong pahiwatig.

Gaya ng mangingisdang si Paolo na naniniwala sa pamahiin na makakahuli siya ng maraming isda. At hindi naman siya nabigo nang makahuli kaagad sila ng maraming isda isang araw matapos makita ang tila isdang lumulipad.

Pero ano nga ba ang paliwanag ng mga eksperto tungkol dito?

Ayon kay Gregg Yan, executive director, Best Alternative, kung pagbabasehan ang imahe sa video, posible itong snapper fish o maya maya.

Pero paliwanag niya, hindi nakalilipad ang maya maya. Kung totoong isda umano ang nasa video, posible raw na patay na ito at tuyo na, at maaaring tinangay ng malakas na buhawi.

Sinabi naman ni Ana Clairen-Jorda, weather specialist ng PAGASA, na maaaring mangyari ang pag-ulan ng isda sa pamamagitan ng water spout sa isang lugar, partikular sa karagatan at may mga maliliit na isdang sumama sa hangin.

Kapag tumigil na ang pag-ikot o nawala na ang hangin, babagsak ang nakasamang mga isda.

Ngunit isda na kaya ang nakitang lumulutang sa ere? Panoorin ang video.--FRJ, GMA Integrated News