Nakaramdam ng kaba si Roger Catinoy nang makita na malaking halaga ng pera ang laman ng sobreng napulot ng anak niyang si Jacob. Sapat sana ito para mabayaran ang kanilang utang. Pero mas nangingibabaw sa kanilang isip na mas kailangan ito ng tunay na may-ari na kanilang hinanap.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na sa pagtitinda ng balot nabubuhay ang pamilya ni Roger sa Surigao City.
Kapag walang balot, walang kita at panggastos ang pamilya. Sa isang araw, kumikita si Roger ng P800-P1,000. Pero P300 na lang umano ang madalas nilang nauuwi dahil na rin sa binabayaran nilang utang.
Partikular dito ang P35,000 na kanilang inutang para sana ipagawa ang kanilang bahay. Sa kasamaang-palad, nauwi sa wala ang kanilang inutang noong 2021 nang sirain ng bagyo ang binili nilang mga hallow blocks at semento.
Ngayon, nangungupahan ang pamilya para may masilungan.
"Ang pinakamahirap kapag nagkasakit ang mga anak namin, 'pag walang pera kahit saan kami naghingi ng tulong," emosyonal na pahayag ni Roger.
Kaya malaking tulong sana sa pamilya ang perang napulot ng anim na taong gulang niyang anak na si Jacob. Sumagi sa isip ni Roger na sa kanila na lang ang pera kung walang maghahanap.
Ngunit sa huli, nangingibaw ang kagustuhan nilang ibalik ang pera sa may-ari.
Ayon sa asawa ni Roger na si Ivie, alam niya na pinaghirapan din ng may-ari ang naturang pera kaya dapat nila itong hanapin at ibalik.
Sa tulong ng CCTV camera, natukoy kung sino ang may-ari ng pera. Sa video, makikita ang isang babae na dumaan na may kasamang bata nang may nalaglag na sobre mula sa likuran niya na pinaglalagyan ng pera.
Nang ipatawag ng mga pulis ang babae, inihayag nito na ni-loan sa bangko ang pera para gamitin sa kaniyang pagpapagamot.
Si Roger, masaya sa kanilang desisyon na hanapin at ibalik sa may-ari ang pera.
"Mahirap lang po kami, ang importante hindi kami makagawa ng hindi maganda sa iba," sabi ni Roger.--FRJ, GMA Integrated News
