Labis na nag-alala ang isang first time mom nang makita niyang biglang tumigil sa pagkain ang kaniyang eight-month-old na baby at namula na ang mukha. Ang paslit, nabulunan na pala. Ano nga ang mga palatandaan na nabubulunan na ang sanggol, at ano dapat gawin para mailigtas ang bata?
Sa programang "Pinoy MD, "makikita sa CCTV footage sa loob ng bahay ng mag-asawang Prax at Nicole Yap, na nasa lamesa ang mag-ina at kumakain.
Nang sandaling iyon, hinog na papaya na hiniwa sa maliliit na piraso ang inihanda ni Mommy Prax sa kaniyang anak na si Marcus.
Kahit baby pa, sinasanay na ni Prax si Marcus na kumain na mag-isa sa tinatawag na baby led weaning para ma-build na ang pagiging independent ng bata sa pagkain.
Ngunit sa gitna ng kanilang pagkain, biglang tumigil sa pagsubo si Marcus, namula at unti-unting inihiga ang kaniyang ulo patalikod. Ang sanggol, nabubulunan na pala.
Aminado si Prax na nataranta siya nang mapansin niyang may hindi magandang nangyayari sa kaniyang anak.
Kaagad na tinawag ni Prax ang kaniyang mister na si Nicole. Kinuha ng ama ang anak at kinalong niya sa kaniyang hita na nakatalikod sa kaniya.
Ayon kay Nicole, kaagad na bumalik sa isip niya ang nakita niya noon sa dinaluhang niyang training sa Philippine Red Cross na 10 years ago na tungkol sa pagbibigay ng first aid sa mga katulad na sitwasyon.
"Nung moment na na-choke si Marcus, para bang hinila ng utak ko yung 10 years [ago] ng seminar na 'yon," patungkol ni Nicole sa natutunan niya na kaniyang ginamit para masagip ang kaniyang anak.
Kinandong niya ang anak na nakatalikod sa kaniya, at marahan niya hinampas-hampas ang likod nito na tinatawag na "back slaps."
Pagkaraan ng ilang minuto, nailabas na ni baby Marcus ang bumarang pagkain sa kaniyang lalamunan.
Si Marcus, tatlong taon gulang na ngayon at maganang kumain.
Ayon kay Prax, posibleng may naihalo siyang matigas na parte ng papaya sa pagkain ni Marcus noon.
"More than fear nag-panic ako, anong gagawin ko? Kasi alam ko in a few seconds o minutes na hindi ko ma-solve, puwedeng namatay na si Marcus," sabi niya.
Dahil sa insidente, natuto si Mommy Prax na bukod sa dapat ay masustansiya ang ibibigay na pagkain sa baby, dapat tiyakin na ligtas ang paghahanda nito.
SENYALES
Ayon sa mga eksperto, kabilang sa mga senyales na nabubulunan ang sanggol ay hindi ito mapakali; hindi makapagsalita o hindi gumagawa ng tunog o ingay; at nag-iiba ang kulay ng katawan o mukha.
Kung matagal na ang chocking, nangangasul na umano ang kulay ng balat ng bata, o tinatawag na cyanotic. Indikasyon ito na bumababa na ang oxygen sa katawan ng bata.
Kapag nangyari ito, tingnan ang lalamunan ng sanggol upang alamin kung may nakabara. Gayunman, iwasan daw ang tinatawag na "blind finger sweep," o dudukutin ang bibig ng bata kahit walang nakikita sa loob nito.
Sadya raw may posibilidad na mabulunan ang mga baby dahil hindi pa mature ang kaniyang gastrointestinal tract. Kaya mabuting dinurog na pagkain na muna ang ibigay sa kanila kapag tumungtong na sila ng anim na buwan.
Kailangan din may kasama ang mga bata o dapat sabayan sila kapag kumakain upang mabantayan.
Ayon sa PRC, isa sa mabisang paraan na gawin kapag nabulunan ang sanggol ay ang paggamit ng "back slaps" at "chest thrust."
Paano nga ba ito ginagawa? Tunghayan sa video ang demo.--FRJ, GMA Integrated News
