Ikinuwento ni Tito Boy Abunda na hindi niya napigilang mapaiyak sa muli nilang pagkikita ng kaniyang kaibigang si Kris Aquino, at personal na masaksihan ang patuloy na paglaban nito sa mga karamdaman sa Los Angeles, California.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, sinabi ng King of Talk na nangyari ang pagkikita nila ni Kris sa tahanan nito sa Orange County noong Oktubre 25.

“It was a happy, beautiful reunion,” sabi ni Tito Boy.

“It was different seeing her. Tatanggapin ko po, ako ay naging emosyonal, sinabi rin naman ito ni Kris, I was emotional. Pinipigilan ko pong hindi umiyak pero naiyak po ako, na-miss ko si Kris,” pagpapatuloy niya.

Ayon kay Tito Boy, sinabi ni Bimby na, “I’m back to my 4-year-old self” dahil tila nanonood ito ng show habang pinagmamasdan ang masayang kuwentuhan ni Tito Boy at Kris.

“Kris, pagaling ka. Gagawa tayo ng palabas,” mensahe ni Tito Boy kay Kris.

“I’m just so glad that Bimb is doing everything he can, I’m so proud of him taking good care of his mother. Ang assignment ni Josh is to pray.”

Ayon pa kay Tito Boy, nasa pangangalaga si Kris ng “best nurses” at mga doktor.

Nagsalita si Tito Boy tungkol sa ilang usapin na kailangan pang manatili ni Kris ng 15 hanggang 18 buwan sa Amerika.

“Ang dahilan po noon ay dahil ‘yung meds na kailangan ni Kris ay available lamang doon. At saka ‘yung accessibility sa doctors ay kailangan po ‘yun,” saad ng talk show host.

Panalangin ni Tito Boy na sana mapaikli ang gamutan kay Kris.

Ipinarating naman ni Tito Boy ang pasasalamat ni Kris sa mga patuloy na nagdarasal para sa kaniyang kalagayan.

“‘Boy pakisabi ‘Maraming, maraming, maraming salamat,’’” mensahe raw ni Kris.

May isa pang kahilingan si Kris.

“‘Sana hindi lang ako ang ipagdasal… It’s also nice if people can pray for the people around me. My children, my sisters,’” sabi pa ni Kris, ayon kay Tito Boy.

Humiling din ang Queen of All Media na ipagdasal ang kaniyang support system.

“Doon ko na-realize na tama nga naman. When we pray for somebody who doesn’t feel well, let’s also pray for people who are taking good care of the people who are not feeling well,” pagtanto ni Tito Boy.

Patuloy ang pag-asa ni Tito Boy sa paggaling ni Kris.

“Umaasa ako na sana ay gumaling, ‘yun ang aking dasal.” Sabi ni Tito Boy. “I just miss her.”

Sinabi rin ni Tito Boy na pabago-bago umano ang health condition ng kaniyang kaibigan.

Umaasa rin si Tito Boy na “makita” ng publiko ang pag-uusap nila ni Kris. -- FRJ, GMA Integrated News