Hindi man nasungkit ang korona sa katatapos na Miss Universe 2023, may tatlong special awards na iuuwi si Michelle Dee.

Bukod sa isa sa tatlong gold winner sa Voice for Change competition, iuuwi rin ni Michelle ang Spirit of Carnival Award mula sa pageant sponsor na Carnival Cruises, gayundin ang Miss Universe' fan vote.

Sa kaniyang Broadcast channel sa Instagram, masayang ibinahagi ni Michelle ang resulta ng botohan sa Miss Universe na, "Panalo tayo sa fan vote!"

Sinabi rin ni Michelle na ang Voice for Change ang itinuturing niyang pinakamahalaga.

Bitbit ni Michelle sa kaniyang laban sa Miss Universe nitong nakaraang Linggo ang adbokasiya para sa autism awareness dahil na rin sa kaniyang dalawang kapatid.

Kasama ni Michelle bilang gold medalist sa Voice for Change competition ang Miss Angola at Miss Puerto Rico.

Nabigo si Michelle na makapasok sa Top 5 ng kompetisyon.

Sa kabila nito, inihayag sa social media ng kaniyang beauty queen sisters na sina Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach at Miss Universe 2018 Catriona Gray na proud ito sa kaniya.

Nagwaging Miss Universe 2023 ang pambato ng Nicaragua na si Sheynnis Palacios. — FRJ, GMA Integrated News