Kadalasang makikita sa tropical countries gaya ng Pilipinas ang Calabash, na tinatawag ding “miracle fruit” dahil sa hitik ito sa mga bitamina at mineral. Totoo nga ba na nakagagaling din ito ng mga sakit?

Sa isang episode ng programang "Pinoy MD," itinampok ang pamilya ni Lurie Mary Grace Fajutag mula sa Oriental Mindoro, na limang taon nang may tanim ng mga Calabash.

“One time nag-visit kami sa isang farm dito, tapos na-amaze kami kasi sobrang daming bunga, nakita namin 'yung puno nito at sobrang daming bunga tapos ang lalaki. Tapos nu'ng tinanong namin kung ano 'yung punong 'yon, miracle fruit nga daw 'yun at ayun, bumili kami ng punong ‘yun,” kuwento ni Fajutag.

Ayon kay Fajutag, may mga nagsasabi na nakagagaling umano ang Calabash ng iba't ibang sakit kaya ng matataas na cholesterol, sa mga high blood, may mga diabetes.

"'Yung iba may nagsabi na sa mga kidney, pampalakas din ng immune system,” sabi ni Fajutag.

Nanggaling ang Calabash sa Bignonia family na madalas makikita sa mga tropical countries.

"Mas kilala siya sa tawag na bottle gourd. ‘Pag niluluto siya actually, bino-boil, walang salt. It can provide actually dietary fiber, vitamin C, and other minerals tulad ng calcium,” paliwanag ni Dr. Via Jucille Roderos - Galban, internist/general physician.

Ayon kay Fajutag, na pinakukuluan nila at iniinom ang katas ng Calabash. Ang lasa nito, matamis na may pait.

Paniwala ng kanilang pamilya, ang Calabash ang nagpababa ng blood pressure ng kaniyang ama.

“Dito sa amin iniinom ito ng magulang ko kasi dati nagtatataas 'yung cholesterol nila, 'yung BP. At nu'ng nag-start na silang uminom nito ay umayos 'yung kanilang BP,” sabi ni Fajutag.

Paliwanag dito ni Roderos-Galban, “‘Pag blood pressure, ang pinaka-culprit kasi ng pagtaas ng blood pressure is salt. Kaya ina-advise natin 'yung mga pasyente natin na iwasang kumain ng maraming salt o maasim na pagkain o may recommended salt lang ‘yun."

"So if we substitute those foods na rich in salt with something na Calabash na lulutuin natin or buboil natin, mas helpful kasi it reduces the amount of salt na puwede nating ma-intake sa katawan natin,” dagdag niya.

Bukod dito, mainam din umano ang Calabash para sa gut health o digestion.

“It has dietary fiber. Mas nakakatulong siya. Fiber actually helps in digesting. Mas natutunaw natin 'yung pagkain natin. So we get the most of kung ano 'yung kinakain natin. Fruits and vegetables such as calabash. Mas natutunaw natin, mas nakukuha natin 'yung mga nutrition from our food kung may fiber,” anang internist at general physician.

Maaari ding gamitin sa skin care ang Calabash dahil sa may anti-aging properties nito.

Paliwanag Roderos-Galban, may taglay na vitamin C at antioxidants ang Calabash, na nakatutulong na mapabagal ang proseso ng pagtanda at magkaroon ang tao ng fair skin. -- FRJ, GMA Integrated News