Dahil sa banta ng dengue, nag-alok ang pamunuan ng isang barangay sa Mandaluyong City na babayaran ng P1 ang kada limang lamok na dadalhin sa kanila--buhay man o patay.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing ang Barangay Addition Hills ang magbibigay ng pabuya para sa mga mahuhuli o mapapatay na lamok at maging ang mga kitikiti.
May inilaan ding aquarium na paglalagyan ng mga lamok at kitikiti na dadalhin sa kanila.
Ayon sa barangay chairman, tumataas din ang kaso ng dengue sa kanila mula nang pumasok ang 2025.
Magsisimula ang reward system ng barangay sa Biyernes, February 21.
Nilinaw din ng opisyal ng barangay sa ulat ng GMA News 24 Oras na bawal lumahok sa naturang programa ang mga menor de edad.
Kamakailan lang, nagdeklara ng dengue outbreak ang Quezon City dahil sa mataas na kaso nila ng dengue.
Ayon kay Department of Health (DOH) spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, inaasahan nila na walong lugar pa mula sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon ang posibleng magdeklara ng dengue outbreak. Gayunman, hindi niya direktang tinukoy ang walong lugar. --FRJ, GMA Integrated News