Inihayag ni Vina Morales sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes, na ginawa niyang kumain ng 12 ubas sa ilalim ng lamesa nitong nagdaang New Year celebration para i-wish na magkaroon siya ng boyfriend ngayong taon.
Natatawang ikinuwento ni Vina kay Tito Boy, na kumain siya ng ubos sa ilalim ng lamesa habang nakasuot ng kulay red na underwear.
Nasa Bangkok daw sila noon kasama ang kaniyang pamilya.
"Nakakahiya. Sabi ng pamilya ko, 'ano ginagawa mo diyan [sa ilalim ng lamesa]?' patuloy niya.
"Yun pa rin ang wini-wish ano [boyfriend]. Parang 'yun na lang yata ang kulang," masayang saad ng aktres.
Nang hingan ni Tito Boy si Vina ng mensahe para sa kaniyang future boyfriend, sabi ng aktres, "Hi. I'm just here waiting for you. And I wanna be a better person for you."
Sabi pa ni Vina, ready na siya na dumating sa buhay niya ang bago niyang boyfriend.
"And I'm ready now. Now na," dagdag niya.
Kasabay nito, tinanong din ni Tito Boy si Vina kung hinahangad pa rin ba niyang maikasal gaya ng nais niyang mangyari noon.
Ayon kay Vina, natutunan na niyang tanggapin ngayon kung sakaling hindi man para sa kaniya ang maikasal.
"Actually na accept ko 'yan. Kasi not all naman na nabibigyan ng opportunity to get married. Magkakaiba kasi tayo ng journey," paliwanag niya.
Para sa kaniyang pinagpala na siya na nabigyan siya ng pagkakataon na maranasan niya na maging isang ina.
Sabi ni Tito Boy, may mga bagay na ipinagkakaloob sa isang tao, at mayroon ding hindi, na inayunan ni Vina.
"Inaa-accept ko na 'yon na kung hindi man maibigay sa akin, kung hindi man talaga ako makasal, I'm just so grateful for my life," ani Vina.
Mapapanood si Vina sa upcoming Afternoon GMA TV series na “Cruz Vs. Cruz,”-- FRJ, GMA Integrated News