Literal na naging sandalan at "human brace" ng isang anak na na-diagnose na may scoliosis ang kaniyang ama habang nagpapagaling siya matapos na maoperahan. At kahit pumanaw na ang kaniyang ama, nananatili sa kaniyang alaala ang pagmamalasakit na ginawa ng kaniyang tatay.
Sa "For You Page" ng GMA Public Affairs, ibinahagi ni Kristine Anec Cerenado, na-diagnose na may scoliosis, kung papaano nagsilbing "human brace" niya ang kaniyang tatay na si Mang Allan.
"Nakakatuwa nga kasi may nag-comment doon na para raw akong bata na tinuturuan ulit ni tatay maglakad," sabi ni Cerenado.
Ilang buwan matapos siyang arugain ng ama, si Tatay Allan naman ang nagkaroon ng karamdaman, na humantong sa kaniyang pagpanaw na.
"Naiyak na naman ako roon kasi naalala ko 'yung efforts niya, 'yung sacrifices para mapaoperahan ako," sabi ni Cerenado.
Bago pa man ihayag ang kaniyang mga daing, sinabi ni Cerenado na alam na agad ni Tatay Allan ang kaniyang pangangailangan.
"'Yung video na 'yun, after ko sa surgery. Natuwa lang ako kasi naka-smile siya, sobrang happy niya na first time ko ulit maglalakad after the surgery," sabi ni Cerenado.
"Medyo mahirap pagkagaling sa opera. So tinutulungan ako ni tatay na maglakad. So meron siyang kumot sa likod ko. Kumbaga parang puppet in a way," dagdag niya.
Sa video, makikita na mahigpit na hawak ni Tatay Alan ang kumot na nakapalupot sa katawan ni Cerenado upang hindi matumba ang anak habang naglalakad nang marahan.
Makikita rin na magkatalikuran na nakaupo ang mag-ama upang makasandal si Cerenado sa likod ng kaniyang tatay.
Dahil sa kabaitan ng kaniyang "super tatay," siya ang naging kanilang standard ng makakasama sa buhay.
"Ako po ay through and through ay isang tatay's girl. 'Yung tatay ko sobrang bait niya, sobrang maalaga sa amin. Since kinder hanggang nagwo-work, hatid-sundo talaga kami ng tatay ko," paglalahad niya..
Habang nagpapagaling si Cerenado, ang kaniya namang ama, unti-unti na rin palang nagkakasakit.
"'Yung same year, September nagkaroon siya ng mga komplikasyon sa puso. Napansin namin na pumapayat siya," anang dalaga.
Sa bilis ng pangyayari, hindi nila inakalang tuluyan nang mamamaalam ang kanilang padre de pamilya.
"Hineart attack siya. Sobrang hirap maka-move on, lalo na kapag namatayan ng magulang," sabi ni Cerenado.
"Pakiramdam ko noon, parang namatay din 'yung isang part sa akin kasi nga sobrang close kami ng tatay ko," sabi niya.
Sa ngayon, tuluyan nang gumaling si Cerenado sa kaniyang scoliosis. Gayunman, habambuhay na niyang dala-dala ang sakit na mawalan ng tatay.
"It was really a hard journey. Lagi ko pa rin siyang iniisip kapagka mag-isa ako, minsan pakiramdam ko na nangibang bansa lang siya. Sana ganoon na lang," sabi niya.
Payo ni Cerenado sa mga anak na kasama pa ang kanilang mga magulang, araw-araw iparamdam kung gaano pinangangahalagahan ang mga mahal sa buhay.
"They have to appreciate their parents. Kasi iba pa rin talaga kapag kompleto 'yung magulang. Kung may nauna man sa mga magulang natin, kung sino man ang naiwan lagi natin pahahalagahan kasi sila na lang ang mayroon tayo," payo niya. -- FRJ, GMA Integrated News
